SA likod ng bilyong pisong pagkalugi sa kaban ng bayan taon-taon, isang malalang isyu ang paulit-ulit na lumilitaw at ito ang lantaran at sistematikong pamemeke ng PWD IDs.
Isa itong mapagsamantalang gawain na hindi lang nagpapahina sa integridad ng mga programang pangkapansanan, kundi nagpapahirap din sa mga lehitimong PWD na makuha ang nararapat na serbisyo at diskuwento.
Natukoy na isa sa mga ugat ng problemang ito ay ang hindi pagkakapareho ng disenyo at sistema ng PWD ID sa bawat lokal na pamahalaan na nagiging sanhi ng kalituhan sa mga establisimyento na tukuyin kung anong lehitimo at hindi.
“So, in terms of authenticity sa isang establisyimento, mahirap ho nating malaman kung authentic ito dahil magkakaiba nga ng disenyo,” pahayag ni Glenda Relova, Executive Director, National Council on Disability Affairs.
Bilang tugon, inanunsiyo ng NCDA na sisimulan na ang pilot testing ng Unified PWD System sa Hulyo, kasabay ng pagsisimula ng ikatlong quarter ng taon.
Ayon kay Executive Director Glenda Relova, 35 LGUs mula Luzon, Visayas, Mindanao, Metro Manila, at maging BARMM ang napili para sa unang rollout.
“Ito po ay mula sa Luzon, Visayas, Mindanao, kasama na rin po ang Metro Manila; pati po sa BARMM mayroon po tayong Parang, Maguindanao del Norte; Dagupan; San Carlos; Urdaneta; Alaminos; Solano; Rafael; San Jose; Obando, Bulacan; Meycauayan—almost all po sa Bulacan ay kasali; San Mateo, Rizal; Santa Rosa; Teresa, Rizal; Antipolo; Carmona; Pila, Laguna; Muntinlupa; Pasay; Daet; Kalibo; Candijay; Malaybalay; Koronadal; at Surallah, South Cotabato. So, 35 po silang lahat,” dagdag ni Relova.
Layunin ng pilot testing na matiyak ang maayos na implementasyon ng standardized PWD ID na may iisang disenyo at centralized issuance na makatutulong para mabura ang pagdududa sa mga ipinapakitang PWD ID sa iba’t ibang lugar.
Target din ng Unified PWD System na tuldukan ang talamak na pamemeke ng PWD ID na, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ay nagdulot ng hanggang P88.2B tax leakage noong 2023 dahil sa maling paggamit ng mga benepisyo.
“So, kapag po ibinigay ng isang persons with disability ang ID na ito malaki po iyong probability or almost 100 percent na talagang authentic sila. So, iyong dating tax leak na 88.2 billion po noong 2023 ay mai-eliminate na po natin dito,” aniya.