Pilot vaccination para sa mga 5-11 taong gulang, ipinagpaliban

Pilot vaccination para sa mga 5-11 taong gulang, ipinagpaliban

HINDI matutuloy ngayong araw ang pilot vaccination ng mga batang may edad 5 hanggang 11 at sa halip, sa Lunes, Pebrero 7, na lang ito gaganapin.

Ayon sa joint statement ng Department of Health (DOH), National Task Force (NTF) Against COVID-19, at National Vaccination Operating Center (NVOC), ngayong gabi pa darating ang unang batch ng reformulated low-dosing COVID-19 vaccines ng Pfizer.

Unang inasahan ang delivery ng naturang mga bakuna noong Pebrero 3 kung kaya itinakda ang pilot vaccination ng mga 5-11 taong gulang sa Pebrero 4.

Matatandaang ang COVID-19 vaccines ng Pfizer pa lamang ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) na ipamigay sa age group na ito.

Inaabisuhan naman ng mga lokal na pamahalaan ang lahat ng mga may schedule na  maghintay ng mga karagdagang anunsyo mula sa kanila.

Nauna nang tinukoy ng pamahalaan ang anim na vaccination sites sa Metro Manila para sa pilot vaccination ng pediatric group.

Kabilang na dito ang Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa (Skydome), at Fil Oil Gymnasium ng San Juan City.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang mahigit 15.56 milyong menor de edad sa ilalim ng 5 to 11 years old na bracket.

Sa hiwalay na pahayag, nilinaw ng DOH at Pandemic Task Force na wala silang plano na hindi ituloy ang pediatric vaccination sa kabila ng inihaing petisyon ng dalawang magulang sa korte na itigil ito.

Kinikilala ng DOH ang karapatan ng mga magulang na magsampa ng reklamo at hahayaan nilang maganap ang legal na proseso.

Pero ipinunto  na mananatili silang nakatuon sa pagprotekta sa lahat sektor ng lipunan mula sa COVID-19 kabilang na ang mga bata.

Giit din ng DOH at Pandemic Task Force hindi ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa mundo na magbabakuna sa pediatric group.

Sinuri na rin anila ng mga international expert ang mga bakunang gagamitin sa mga bata.

Mahigit 8.1 milyong kabataan na ang nabakunahan sa mundo at walang naiulat na namatay at seryosong adverse event.

Dalawang magulang ang naghain ng petisyon sa Quezon City Regional Trial Court para pigilan ang DOH sa pagbabakuna sa mga bata na may edad 5 hanggang 11 laban sa COVID-19.

Hiniling din ng mga petitioner sa korte na ideklara ang DOH memorandum ukol sa interim guidelines para sa pagbibigay ng Pfizer COVID-19 vaccine sa mga 5-11 years old na labag sa konstitusyon at walang bisa.

Partikular nilang binatikos ang bahagi ng memorandum ng DOH kung saan pinapayagan ang Estado na kumilos bilang magulang at magbigay ng kinakailangang pahintulot kung ang magulang o guardian ay tumangging bakunahan ang bata sa kabila ng kagustuhan nito o kung walang tao na maaaring mag-exercise ng parental authority sa bata.

Nakasaad sa interim guidelines ng DOH maaaring kumatawan sa estado at lagdaan ang consent form ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) o ang mga katapat nitong lungsod o munisipyo.

Saad ng mga nagpetisyon, tinatanggalan ng naturang probisyon ng karapatan ang mga magulang o guardian na mag-desisyon para sa kanilang anak o para sa bata nang walang anumang legal na basehan.

Ikinababahala din ng mga magulang na ito na exempted sa anumang pananagutan ang mga mag-iimplementa ng pagbabakuna sa ilalim ng Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act.

Follow SMNI News on Twitter