HINDI maaapektuhan ng isinagawang eleksyon ng mga opisyal kamakailan lang ng PDP-Laban ang kasalukuyang istruktura ng partido.
Ito ang binigyang-linaw ni Senator Koko Pimentel kasunod ng pagkakatanggal nito sa posisyon bilang Executive Vice Chairman ng partido at maging si Senator Manny Pacquiao bilang Presidente ng partido.
Giit ni Pimentel, iligal ang nangyaring pagpupulong at eleksyon ng partido.
Magsasagawa rin aniya ng National Assembly ang partidong PDP-Laban sa ilalim ng kanilang pamumuno ni Pacquiao kung saan magkakaroon din aniya ng eleksyon ng mga bagong party officials.
Samantala, hindi na bago ang gusot sa pagitan ng mga miyembro ng PDP-Laban.
Unang nangyari ang pagkakahati ng partido sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino noong 1988 na sinundan naman noong 2014 nang umalis sa partido si dating Vice President Jejomar Binay.
Itinatag ang PDP-Laban nina dating Senators Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. at Benigno Aquino Jr. noong 1983.
Dumagsa naman ang mga pulitikong umanib sa partido noong 2016 nang tumakbo at nanalo sa pagkapresidente si Pangulong Rodrigo Duterte.
‘Political survival’ naman ang dahilan kung bakit bumabaliktad ngayon si Senator Koko Pimentel kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa mga kapartido nito sa PDP-Laban.
Ito ang inihayag ni PDP-Laban National Chairman for Livelihood Committee Reymar Mansilungan matapos batikusin ni Pangulong Duterte si Senador Pimentel dahil sa pagtatalaga nito noon bilang Acting-President ng ruling party si Senador Manny Pacquiao.
Una nito ay kinuwestiyon at binatikos ni Pimentel ang naganap na mga meeting ng partido sa Pampanga noong nakaraang linggo kung saan naghalal ng mga bagong opisyal ang ruling party.
Tinanggal bilang acting-president si Pacquiao at pinalitan ni Energy Secretary Alfonso
Para kay Pimentel ay paglabag sa bylaws ng partido ang pagtanggal kay Pacquiao bilang acting-president kung saan ay pinalitan ito ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ayon kay Mansilungan, mawawalan ng poder sa politika si Pimentel kapag hindi niya kakampi ang susunod na pangulo ng bansa.
“Pagka ang nanalong presidente sa susunod na eleksyon ay hindi galing sa PDP-Laban, mawawalan na ng poder si Senator Pimentel. Kasi kung ako si Senator Pimentel, gusto kong makabalik bilang Senate president sa 19th Congress. And the only way to attain that is kung siya ay kakampi ng susunod na presidente. So kung ako si Senator Pimentel gusto kong makabalik sa Senado the only way to do that is kung ako ang nagtulak doon sa susunod na presidente may utang na loob sa akin ‘yung susunod na presidente,” pahayag ni Mansilungan.