Sen. Pimentel pinaalalahanan si Sen. Padilla na ‘di pa tapos ang agawan sa liderato ng PDP-Laban

Sen. Pimentel pinaalalahanan si Sen. Padilla na ‘di pa tapos ang agawan sa liderato ng PDP-Laban

PINAALALAHANAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Senator Robin Padilla na ‘di pa pinal ang desisyon sa kung sino ang totoong pinuno  ng partidong PDP-Laban.

Ginawa ni Pimentel ang paglinaw matapos dalawang beses na nabanggit sa pagdinig ng Senate Finance Committee na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang chairman ng kanilang partido.

Unang nagbanggit nito ay si Senador Robin Padilla at sumunod naman si Supreme Court Associate Justice Midas Marquez.

Matapos na tinawag ang atensyon ni Padilla ay ipinaliwanag ni Pimentel na di pa tapos ang agawan ng partidong PDP-Laban at posibleng matalo ang panig ni Pimentel kung hindi niya agad ito itatama sa pagdinig.

“Sorry to raising this pero baka kasi may rules of court kami sa future. Sen. Padilla mentioned a name as chairman of PDP-Laban. That is not correct as this representation is concerned because I am the chairman of PDP-Laban, the original PDP-Laban Party. Kasi we are talking to the Supreme Court justices. Baka umabot po ang issue na to sa Supreme Court para alam lang po nila na ang chairman ang PDP Laban is this representation as far as my original party is concerned. Just for the information kasi mayroong provisions sa rules of court, if something is stated in your presence then you do not react to it, it might be taken against you,” pahayag ni Pimentel.

Matapos ang pahayag ni Senator Koko ay agad naman na humingi ng tawad si Senator Padilla.

“Salamat po chairman ako po ay humihingi ng paumanhin sa ating Minority leader. Kakampi ko po ‘yan sa Committee on Constitutional Amendments and Revision. Pasensya na po ang alam ko po ay  nadesisyunan na po ng Supreme Court na ang PDP Laban ay ano. Pasensya na po. Wala po akong intensyon  na makasagasa. Ako lang po ay sumusunod lamang. Pasensya  na po Minority leader,” tugon ni Padilla.

Ang paghingi ng paumanhin ni Padilla ay agad naman na tinanggap ni Senador Pimentel.

“Okay lang po kay Senator Padilla, wala naman pong masama except na hindi pa ito umabot sa Supreme Court, kaya lang posibleng umabot po ang ating issue na ito sa Supreme Court,” ayon kay Pimentel.

Matatandaan na si Padilla ay ideneklara kamakailan lamang bilang Executive Vice President PDP-Laban faction na pinapangunahan ni dating Energy Secretary Alfonso Cusi, na siya ring presidente ng kanilang grupo.

Tatlong araw naman bago ang 2022 elections ay naglabas ng desisyon ang isang division ng Commission on Elections (COMELEC) na ang grupo ni Cusi ang kikilalanin nitong totoo o legitimate na partido.

Sa kasalukuyan, ang petition kaugnay sa liderato ng PDP-Laban ay nakabinbin sa COMELEC en banc.

Follow SMNI News on Twitter