NAKIKI-USAP at pinaalalahanan ang publiko ng Department of Health (DOH) na huwag bumili ng oxygen tanks nang walang abiso mula sa doktor.
Ito ay matapos na makaatnggap ng ulat ang DOH na may ilang indibidwal ang bumibili ng oxygen tank bilang paghahanda sakaling mahawaan ng COVID-19.
Ani DOH Usec. Rosario Vergeire, bagaman naiintindihan nila ang nararamadang panic ngayon ng ilan ay iginiit nito na hindi makatwiran ang ganitong klaseng hakbang.
Panawagan nito, kumonsulta muna sa Local Government Units o sa doktor at kung ipapayo ng mga ito na magkaroon ng oxygen tank ay saka lamang bumili.
Umapela din ang opisyal sa mga suppliers ng oxygen tanks na ipagbenta lamang ang kanilang supply sa mga healthcare facilities.
Pinaalalahanan ang publiko ni Vergeire ang posibleng dulot na panganib kung hindi maayos na magagamit ang ganitong klaseng medical device.
Maari ding magdulot ito ng shortage sa mga ospital kung magpapatuloy na bibili ang mga indibidwal na wala namang nararanasang health problems.