Pinaikling quarantine at isolation period, under approval pa –DOH

Pinaikling quarantine at isolation period, under approval pa –DOH

NILINAW ng Department of Health (DOH) na ang mga bagong alituntunin nito sa COVID-19 isolation period at testing para sa publiko ay hindi pa ipapatupad sa ngayon.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, iprepresenta pa ng DOH sa pandemic task force ang updated guidelines ng ahensya para sa COVID-19 isolation at quarantine.

Sa ilalim ng updated guidelines na ito, nakabase na ang haba ng isolation at quarantine period ng isang indibidwal sa kanyang vaccination status.

Ang isolation period ng probable, asymptomatic at mild cases ay hanggang pitong araw na lang sa halip na sampung araw.

Habang ang mga partially vaccinated at unvaccinated, ay mananatiling 10 days ang isolation period.

Ang mga indibidwal naman na may moderate symptoms, bakunado man o hindi ay magkwa-quarantine pa rin ng sampung araw.

Mananatili naman na hanggang 21 days ang isolation ng mga severe at critical cases pati ng mga immunocompromised.

Ang quarantine period naman ng asymptomatic close contacts na fully vaccinated laban sa COVID-19 ay hanggang limang araw nalang sa halip na pitong araw.

Pero ang mga partially vaccinated at hindi pa bakunado at na-expose sa isang COVID-19 positive, kailangang mag-quarantine ang mga ito ng hanggang labing apat na araw.

Ang mga pagbabago sa quarantine at isolation protocol ng general population ay sumunod lamang matapos payagan ng DOH ang pinaikling quarantine at isolation period para sa fully vaccinated na mga healthcare worker.

Saad ni Vergeire, ang mga pagbabagong ito ay kailangan dahil nagdulot ng kalituhan ang pagkakaiba ng quarantine at isolation guidelines ng mga traveler, general public at ilang partikular na sektor tulad ng mga healthcare worker.

Nauna na ring sinabi ng ahensya na ang lahat ng kanilang updated recommendations ay nakabase sa mga pag-aaral at ebidensya.

Maliban sa pagbabago sa quarantine at isolation protocols, may itinakda na ring prioritization ang ahensya para sa testing.

Prayoridad sa ngayon A1, A2, at A3 category o ang mga healthcare worker, senior citizen, at immunocompromised individual.

Ang lahat, maliban lang sa nabanggit na tatlong katergorya, ay hindi na kailangang magpa-test, sa halip ay mag-quarantine kaagad, may sintomas man o wala.

Kung sakaling magpasyang magpasuri ang isang indibidwal na na-expose sa COVID-19 patient, ang pagsusuri ay dapat gawin nang hindi bababa sa limang araw mula sa araw ng exposure.

Hindi pwedeng gawin ang testing para lang masuri ang asymptomatic individuals, ani Vergeire.

Sa ilalim rin ng bagong guidelines, hindi na prayoridad ang contact tracing.

Ani Vergeire papalawigin na ang tungkulin ng mga contact tracers tulad ng pagmo-monitor sa mga indibidwal na naka-home quarantine at pag-assist sa mga vaccination drive.

Depensa ni Health Secretary Francisco Duque III sa policy shift sa contact tracing, hindi na ito praktikal gawin kung ang impeksyon ay mabilis na tumataas at marami nang kumonidad ang nahahawaan.

Aniya mas praktikal kung ang mga contact tracer ay tutulong na lang sa pag-monitor sa mga indibidwal o pamilya na nasa home isolation.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter