NAGING emosyonal si Masantol, Pampanga Mayor Jose Antonio ‘Ton-Ton’ Bustos sa kaniyang naging mensahe sa State of Municipality Address (SOMA) na ginanap sa Masantol Civic Center kamakailan.
Sa loob ng isang taong panunungkulan ng pinakabatang mayor sa bansa sa bayan ng Masantol, hindi lamang nito inalam ang pangangailangan at hirap ng buhay ng mga residente sa lugar dahil niyakap at nilakaran din niya ang mundong ginagalawan ng mga Masantoleño.
Sa kaniyang mensahe, isa sa binigyang-diin ni Mayor Ton-Ton Bustos ang kahalagahan ng kalusugan ng mga residente sa bayan ng Masantol.
“We should think more proactive steps to ensure that our people have better access to public health. Kapag nagkakasakit po ang ating mga kababayan, dapat dito mismo sa ating bayan ginagamot at gumagaling nang hindi nahihirapan at kung pwede, at kung maaari ay hindi gumagastos,” ani Mayor Jose Antonio ‘Ton-Ton’ Bustos, Masantol, Pampanga.
Binigyang-pagkilala rin ni Mayor Bustos ang tungkuling ginagampanan ng mga awtoridad upang matamo ang isang matatag, maginhawa at panatag na bayan ng Masantol.
Kung kaya siniguro nito ang kapayapaan at kaayusan sa lugar na walang sinuman ang maaaring maghasik ng krimen.
“We will be strong and firm if need be sapagkat dito sa bayan ng Masantol, tahimik at payapa ang taong bayan at walang sinuman, walang sinuman ang may puwang na gambalain ito dahil sa likod natin ang buong lakas ng kapulisan at gayundin naman sa likuran po ng ating kapulisan ang buong tiwala ng ating lokal na pamahalaan,” dagdag ni Bustos.
Hindi rin pinalagpas ng ama ng Masantol ang usapin sa pagbaha na pangunahing suliranin sa lugar at naging pundasyon ng pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat Masantoleño.
“We should be more resilient in terms of typhoons of floods and of disasters, it is our resiliency that … us to offer ourselves to volunteerism and to walk with unity for the sake of … , dahil sa tubig-baha, nakikita natin ang mga puso na handang magbigay, dahil sa baha, nakikita natin ang ating pagkakaisa at nang dahil sa baha, may uusbong na mga bagong bayani,” aniya pa.
Tiniyak din nito ang maayos na hanapbuhay, kalikasan at edukasyon ng mga residente sa bayan ng Masantol.
Ang Masantol aniya ang magsisilbing bayan at tahanan ng isang matatag, maginhawa at panatag na pamilyang Pilipino.
Gayunpaman aminado si Bustos na hindi magiging madali ang hamong ito para sa kaniya ngunit handa nitong tuparin para sa bayan ng Masantol.
“I know this is hard, I know it’s difficult, and it might be complex pero gaya po ng sinasabi ko lagi, I want this dream and I want to continue this dream to come true…isang pangarap sa bayang Masantol na progresibo at maunlad,” aniya.
Bilang ama ni Mayor Ton-Ton, ikinatuwa naman ni Patrol Party-list Congressman Jorge Bustos ang pagiging emosyonal ng kaniyang anak dahil sa totoo at purong pagmamahal nito sa Masantoleño.
“Ako natutuwa ako kasi ibig sabihin na ‘yung binabasa niya, talagang sumasalamin doon sa damdamin niya, ‘yung mga polisiya niya talagang genuine yung pagpapatupad so nakikita ko nilalaban niya talaga ‘yung mga Masantoleño. Dito sa Masantol, 1 year, ‘ni isang baril walang pumutok dito, walang bumaril dito ‘yung sinabi ni Mayor na pinakatahimik na bayan sa Pampanga o baka sa buong Pilipinas, ito po ‘yun yung Masantol, Pampanga sapagkat ‘yung mga tao dito nagmamahalan at nakikita natin kung gaano kamahal ni Mayor ‘yung mga tao dito halos mangilid ang luha,” saad naman ni Cong. Jorge Bustos, Patrol Party-list.
Samantala, kasabay ng nasabing SOMA ang pagdiriwang ng ika-23 taong kaarawan ng butihing Mayor.
Hinding-hindi kailanman umano mapapagod at determinado si Mayor Ton-Ton sa pagtupad ng pangarap nito para sa bayan ng Masantol lalong-lalo na ang matulungan ang mga nasa laylayan na siyang tungkulin ng lokal na pamahalaan.