MASAYANG ipinagdiwang ang Kankanen Festival sa Asingan sa Pangasinan kung saan tampok ang tinaguriang pinakamasarap na kakanin sa buong bansa.
Nagpahatid ng pasasalamat si Mayor Carlos Lopez, Jr. sa mga kababayan nito sa Asingan dahil sa kanilang kooperasyon upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng kanilang Kankanen Festival.
Ayon kay Mayor Carlos Lopez, Jr., 21 barangay, 21 paaralan, 10 NGOs, 11 farmers association at lahat ng 15 opisina ng local government unit ang naging kabahagi ng katatapos lamang na Kankanen Festival.
“Wala pong gastos ang executive committee, gastos po ng mga farmers, teacher, empleyado, at mga iba pang NGO. ‘Yun po yung aming pasasalamat dahil sa kanilang kooperasyon sa aming programa,” saad ni Mayor Carlos Lopez, Jr., Asingan, Pangasinan.
Tampok sa Kankanen Festival ang mahigit sa 500 bilao na hitik sa iba’t ibang uri ng kakanin at ayon kay Mayor Lopez, naiiba ang kanilang kankanen dahil may sangkap ito mula sa gatas ng kalabaw kaya naman pinakamasarap ito sa buong Pangasinan.
“Actually, yung kankanen po namin is composed ng malagkit, ‘yung gatas ng kalabaw, mais, at saka latik po ng niyog. Kung matikman ninyo ‘yan, ‘yan po talaga ‘yung pinakamasarap na kankanen sa buong Pangasinan,” ani Mayor Lopez.
Ayon pa ni Mayor Lopez, kasama niyang nagluto ng libu-libong kankanen ang mga nasasakupan nito sa iba’t ibang sektor upang maipakakain sa mga bisita na dadalo sa piyesta.
Aniya, sa 600 bilao, nasa 511 dito ang nalagyan ng kankanen at balak ni Mayor Lopez na dodoblehin nito ang bilang sa susunod na taon upang maipasok sa Guinness Book of World Records.
“Next year ulit po i-try naming i-break ang aming rekord ngayon, 511, out of 600 na bilao, 511 po ang nalagyan. So, kunti lang po ang hindi nalagyan.” dagdag ni Lopez.
Samantala, ibinahagi ni Mayor Lopez ang kanilang fishing village na matatagpuan sa Brgy. Macalong na libreng pangisdaan para sa kaniyang mga nasasakupan partikular na tuwing weekend.
“Tuwing weekend o kaya mga walang pasok pumunta ang mga kababayan namin dalhin ang mga anak para ma-experience nilang mamingwit kasi ngayon alam naman kung anong mga hawak ng mga anak natin cellphone kung hindi yung gaming, kaya sabi ko this is the opportunity para mai-divert natin yung mga atensyon ng mga bata at ma-experience din nilang mamingwit ng isda,” ayon pa kay Lopez.
Balak namang gawing estate park ni Lopez ang nasabing fishing village para sa kaniyang mga nasasakupan na sa ngayon ay kasalukuyan pang dini-develop.