Pinalaking pondo kontra insurhensiya ng administrasyong Marcos, nakahanda na – NTF-ELCAC

Pinalaking pondo kontra insurhensiya ng administrasyong Marcos, nakahanda na – NTF-ELCAC

MAS malaking pondo ang nakalaan ngayon para sa pagde-develop ng mga lugar na nakapaloob sa Barangay Development Program (BDP).

Sa programang Laban Kasama ang Bayan ng Sonshine Media Network International (SMNI) ngayong araw, isang kawani ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)  ang nagpahayag ng buong pagsuporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos  Jr. sa NTF-ELCAC.

Ito’y sa kabila ng hindi pagpapahayag ng Pangulo sa nasabing programa sa unang State of the Nation Address (SONA) nito kahapon.

Sa nabanggit na programa, nilinaw ni Director Monico Batle, BDP Action Officer ng NTF-ELCAC, ang magiging kalagayan ng laban kontra insurhensiya partikular na sa BDP na isa sa naging susi para mabigyan ng kasagutan ang mga hinaing ng mga kababayan na na ninirahan sa kanayunan at kadalasa’y biktima ng komunistang teroristang grupo.

Dagdag pa ni Batle, hindi man nabanggit ni Pangulong Marcos ang NTF-ELCAC sa kanyang SONA ay nagpapatuloy pa rin ang mga programa nito dahil successful stories na diumano ang mga nagawa ng NTF-ELCAC.

Ani Batle, mas pararamihin pa di umano ng Pangulo ang farm to market road ng BDP sa ilalim ng kagawaran ng agrikultura.

Nilinaw rin ni Batle, dahil sa laki ng hiling na budget ng NTF-ELCAC sa imprastraktura, napagdesisyunan ng tanggapan ng NTF-ELCAC na hatiin na lamang ito ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Agriculture (DA).

Ang farm to market road ay mapasasailalim na sa kagawaran ng agrikultura na mayroong mahigit sa P28B proposed budget, habang ang DILG naman ay mayroong P19B proposed budget para sa BDP sa taong 2023.

Ayon pa kay Batle, ang mga benepisyaryo ng mga infra projects sa ilalim ng BDP ay ang mga cleared barangay mula sa komunistang teroristang grupo o CPP-NPA-NDF.

Follow SMNI News on Twitter