“PinasLakas” campaign para sa booster shot, itinangging hindi epektibo

“PinasLakas” campaign para sa booster shot, itinangging hindi epektibo

NGAYONG hapon personal na pumunta sa Senado si DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergeire para magsagawa ng vaccination drive.

Ito ay bahagi ng pagpapaigting ng “PinasLakas” campaign ng ahensiya para mapataas ang booster coverage ng bansa sa 50 percent sa unang 100 araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Pagkatapos nito ay tumungo naman ang opisyal sa Manila Medical Center para pangunahan din ang ceremonial vaccination para sa “PinasLakas” campaign.

Sa kasalukuyan ayon kay Vergeire tumaas na sa 15, 000 ang vaccination sites para sa naturang kampanya.

Itinanggi naman ni Vergeire, na hindi epektibo ang kampanyang ito sa booster kahit pa bigo nilang makuha ang kanilang target sa unang linggo ng “PinasLakas”.

Matatandaan na inilunsad ang kampanya noong Hulyo 26.

Sa unang linggo ng “PinasLakas” ay nasa 384, 000 pa lang na mga nasa eligible population ang nabakunahan ng booster.

Ang daily target ng DOH para dito ay nasa 397,000 pero inakyat na ito sa 443,892 para mahabol ang 23M na kailangan nilang mabakunahan pagkatapos ng buwan ng Oktubre.

Tiniyak naman ni Vergeire na sasapat ang bakuna para sa primary series at ang para sa booster shot hanggang katapusan ng taon.

Samantala, patuloy ang ginagawang effort ng DOH para sa pag-secure ng bakuna para sa monkeypox.

Kamakailan ay sinabi ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na ito sa ASEAN members para makakuha ng bakuna.

Ayon kay Vergeire, maaring sa Enero 2023 makakuha ng bakuna ang Pilipinas para sa monkeypox.

Sa ngayon naman ay mayroon pa lamang isang kaso ng monkeypox ang Pilipinas at ang pasyente ay gumaling na sa sakit.

Sabi ng mga eksperto ang mga gumaling na sa monkeypox ay hindi na ulit tatamaan ng sakit.