Pinsala sa imprastraktura dahil sa Habagat, Bagyong Ferdie at Gener, pumalo sa P2.4-M

Pinsala sa imprastraktura dahil sa Habagat, Bagyong Ferdie at Gener, pumalo sa P2.4-M

TULUY-tuloy ang pagbabantay ng pamahalaan sa combined effect ng Habagat at ng Bagyong Ferdie at Gener.

Base sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong alas-otso ng umaga ng Miyerkules, Setyembre 18, 2024, mayroon nang 166,524 na pamilya o mahigit 597,000 na mga indibidwal ang apektado ng pananalasa ng naturang tatlong weather disturbances.

Ayon kay OCD Director Edgar Posadas, naitala ang naturang bilang sa MIMAROPA, Region II, CAR, Region V, Region VI, Region VII, Region IX, Region X, Region XI, Region XII, Caraga, at BARMM.

“As per region po, ang pinakamalaki dito sa ating datos ay dito po sa Region VI, 73,512 or 256,593. Susunod po dito ang region ng BARMM,” pahayag ni Dir. Edgar Posadas, Office of Civil Defense.

Sa pinakahuling ulat naman ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), mayroon nang estimated cost na pinsala sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P2.401-M mula sa Region VI at Region X.

Ito ay combined effect pa rin ng Habagat at ng Bagyong Ferdie, at Gener, hindi pa kasama rito ang Bagyong Helen.

“Kasi iyong iba pa po ay kasalukuyan pa pong nagreresponde lalo na po itong areas sa Central and then sa Ilocos Region po na kasalukuyan pong diyan po dumadaan iyong kalalabas lang po ni Gener, si Helen naman po ay diyan din dumadaan sa ngayon,” dagdag ni Posadas.

Mayroon namang 20 na ‘for validation’ pa na reported casualties.

Siyam ay galing sa MIMAROPA, apat mula sa Region VI, isa sa Region VII, dalawa galing Region IX at apat sa BARMM.

“Again these are for validation, iyong 20. And we have 14 missing po, labindalawa po sa MIMAROPA, isa sa Region VI at isa po sa Region IX,” ani Posadas.

Mahigit 70,000 katao, nasa 580 evacuation centers dahil sa epekto ng Habagat, Bagyong Ferdie, at Gener—DSWD

Binanggit naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na mahigpit din ang kanilang pagmomonitor sa epekto ng Habagat, Bagyong Ferdie, at Gener.

Sa kasalukuyan, may namonitor aniya ang DSWD na 580 evacuation centers na kung saan mayroon ngang 18,090 na mga pamilya o mahigit 70,000 na mga katao na pansamantalang nanunuluyan dito.

Naitala ang mga ito sa evacuation centers mula sa Regions II, I, IV-B, V, VI, VII, IX, gayundin sa VII, at XII.

“Kasama na iyong Ferdie, Gener, at southwest monsoon sapagkat halos pare-pareho po ‘no iyong mga areas na naapektuhan nga po nitong tatlong weather disturbances na ito. Sa kasalukuyan, may na-monitor tayo na 580 evacuation centers,” ayon kay Asec. Irene Dumlao, Spokesperson, DSWD.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble