TINUTUNTON pa ng awtoridad ang natitirang pitong co-passenger ng isang pasahero ng Emirate Flight EK 322 na nagsakay sa 29-year-old Filipino na nagpositibo sa bagong variant ng COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa 159 na pasahero ng flight hindi kabilang ang pasyente, nasa 152 na ang natunton ng kanilang contact tracing teams.
Ayon pa kay Vergeire, ang mga pasaherong nakontak na ng DOH ay sumasailalim na sa quarantine.
Sinabi din ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na ang DOH kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na siya ring contact tracing czar ng bansa para sa “expanded” contact tracing effort para sa pitong pang pasahero.