PITONG panukalang batas ang nakalusot na sa committee level at nakarating na sa Senate plenary.
Ilan sa mga ito ay ang Senate Bill No. 2485 o ang panukalang batas para sa muling pagbuo ng Congressional on Education or EDCOM 2 Act.
Sa ilalim ng panukala ay ang EDCOM 2 ang mag-aassess sa performance ng education sector at bubuo ng rekomendasyon para sa kailangang reporma sa edukasyon.
Isa pa rito ay ang panukalang batas na magreregulate para sa pagpaparehistro, at muling paggamit ng mga vintage cars sa mga kalsada bilang mode of transportation.
Nakarating na rin sa plenaryo ang Senate Bill No. 2331 na layuning makapagpatayo ng Police Law Enforcement Courts na tututok o didinig sa mga pang-aabuso ng mga pulis.
Nasa plenaryo na rin ang Senate Bill No. 2491 na layunin na ma-institutionalize ang 1989 University of the Philippines-Department of National Defense Accord.
Samantala, inaprubahan naman ng Senado kahapon sa second at third reading ang resolusyon para sa pagsali ng bansa sa International Treaty o sa 1961 Convention on the Reduction of Statelessness.
Ang kasunduan ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2021 at kaakibat nito ang pagtulong ng Pilipinas sa mga itinuturing na stateless o mamamayan na nasa isang bansa pero walang nationality.
Ang mga bansang signatory ng naturang kasunduan ay magtutulungan para tapusin ang statelessness hanggang 2024.
Batay sa huling ulat ng United Nations High Commission for Refugees, may 4.3 million na stateless sa buong mundo.
Sa Pilipinas, mayroong mahigit 100 na stateless ang nag-apply para maging Filipino citizen.