INIULAT ng pamahalaan na halos pitong milyon katao na ang na-test para sa coronavirus disease o COVID-19.
Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na tiwala ngayon ang pamahalaan na maaabot nito ang target na sampung milyong tests sa loob ng unang kwarter ng taong ito.
“Nasa 6.83 million na ang tests natin halos 7 million… Very confident tayo na maaabot na natin sa loob ng first quarter ng 2021 ang 10 million target nating tests na target ngayong taon,” pahayag ni Dizon.
Samantala, inihayag ni Dizon na inaprubahan na ng Department of Health (DOH) ang pooled testing sa low-risk areas sa COVID-19.
Ibinahagi naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na mayroon ng 199 COVID-19 testing laboratories sa Pilipinas.
“Mayroon na po tayong 199 labs. Accumulative number of tests conducted po ay nasa 6,822,163 – tumaas po ito ng five percent; ang ating positivity rate po ay 8.4%, pero ang 7-day average po natin ay 21.675 or 35%,” ayon kay Roque.
Pagdating naman sa usapin ukol sa posibilidad na paggamit ng saliva testing, umapela si Dizon sa regulatory agencies at validation agencies sa ilalim ng Department of Health na madaliin ang pagpapalabas ng mga panuntunan nito.
“Ang saliva test po ay ginagamit na sa ibang bansa simula noong nakaraang taon. Kaya natutuwa tayo na sana sa lalong madaling panahon ay malabas na ang validation nito at magamit na ng ating mga kababayan dahil unang-una, mas mura ito; ikalawa, ito ay mas madali para sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Dizon.
Una nang tiniyak ng DOH na may mga pag-aaral na isinasagawa para sa paggamit ng saliva o laway bilang alternatibong specimen sa COVID-19 testing.
Umaasa naman si Dizon na makapagbigay ang regulatory bodies ng kanilang feedback ukol sa COVID-19 saliva tests sa linggong ito o sa susunod na linggo.
Sang-ayon naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng saliva test sa pag-detect sa COVID-19 bilang alternatibong proseso sa test.
“Ako talaga every time na kinukulikot ‘yung ilong ko nagmumura ako kasi masakit. I have to open my mouth wide. Pero may bago daw, sabi naman nito ni Gordon na ang swabbing sa saliva is 99 percent. Oh eh ‘di iyan na ang gagamitin natin,” pahayag ng pangulo.
Kung matatandaan, sinabi ni Senator Richard Gordon na mas madali ang saliva test dahil hindi na kailangan i-swab ang ilong at lalamunan, at sa halip ay dudura na lang sa isang test tube.
Dagdag ni Gordon, mas mabilis na nailalabas ang resulta sa saliva tests at walang machines na kailangan bilhin para rito.