PITX: Mahigit 2.3-M pasahero, dumagsa sa nagdaang Pasko at Bagong Taon

PITX: Mahigit 2.3-M pasahero, dumagsa sa nagdaang Pasko at Bagong Taon

PATAPOS na ang Kapaskuhan, ngunit marami pa ring pasahero ang dumadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para bumalik sa kani-kanilang mga probinsiya at sa Metro Manila.

Si Jonalyreen, na nagbakasyon sa Oriental Mindoro para makasama ang kaniyang kapatid noong Pasko at Bagong Taon, ay nagbalik na sa Maynila para sa kaniyang trabaho.

“Galing ako sa Puerto Galera, okay lang naman doon, masaya, maraming mga turista,” saad ni Jonalyreen, Pasahero.

Samantala, si Aling Leonita mula sa Masbate ay umuwi ng Pampanga para makasama ang kaniyang anak at mga apo. Ngayon pabalik na siya sa Masbate.

“Masaya naman ang bakasyon namin. Anak ko, mga apo ko,” wika ni Leonita, Pasahero.

Ayon kay Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs Officer ng PITX, mahigit dalawang milyon na ang dumagsa sa terminal sa kasagsagan ng holiday season. Inaasahan pa nilang aabot sa mahigit 700,000 pa ang dadagsa hanggang Enero 6, 2025.

“December 20 – January 1, nasa 2.3 milyon na ang dumagsa dito sa terminal para sa holiday season.”

“Last year nasa 2.6 milyon.  However, tinitignan natin hanggang January 6, 3 milyon tayo,” ayon kay Kolyn Calbasa, Senior Corporate Affairs Officer, PITX.

Sabi rin ni Calbasa—walang naiulat na insidente o reklamo mula sa mga pasahero, at walang na-stranded na pasahero sa peak season, maliban lamang sa mga biyaheng Bicol na naantala bago ang Pasko dahil sa landslide sa Camarines Sur.

Nangumpiska ang PITX ng mahigit 700 na ipinagbabawal na items mula sa mga pasahero, karamihan ay matutulis na bagay at paputok.

Ang paalala naman ng pamunuan ng PITX sa mga pasaherong magbibiyahe:

 “Para sa mga galing sa probinsya, pagpasok sa terminal, hopefully wala na kayong dalang sharp objects at flammable items. Siyempre maco-confiscate po iyan dito sa terminal natin. Siyempre kung papunta naman kayo ng probinsya, galing dito sa Metro Manila, make sure, makakuha na lang tayo ng tickets natin, deretso na lang tayo ng ticket booth,” ani Calbasa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble