Plano ni Sen. Pacquiao sa Anti-Terror Law, hindi pinag-aralan – Sec. Esperon

Plano ni Sen. Pacquiao sa Anti-Terror Law, hindi pinag-aralan – Sec. Esperon

MAY komento ang National Security Council (NSC) sa naging pahayag ni presidential candidate Senator Manny Pacquiao na i-review o i-abolish ang Anti-Terror Law.

“Mukhang hugot-hugot lang ‘yon mukhang hindi napag-aralan ang sagot ng ating kaibigang si Senator Manny Pacquiao,” sinabi ni Sec. Hermogenes Esperon Jr., National Security Adviser.

Yan ang reaksyon ng NSC sa pahayag ni Pacquiao na handa ito i-review at i-abolish ang Anti-Terror Law.

Para kay Pacquiao, dapat amyendahan ang batas para hindi raw maabuso ang karapatan ng bawat Pilipino.

“Kung ako, amyendahan itong batas na ito na hindi magamit para abusuhin ang karapatan ng bawat Pilipino. Mahirap ‘yung aalisin ‘yung karapatan ng bawat Pilipino,” ayon kay Pacquiao.

Para kay Pacquiao, magiging mahirap kung lilimitahan ang karapatan ng mga Pilipino kaya kung hindi ma-aamyendahan ay dapat na lamang itong i-abolish.

“Tayong tao, lilimitahan ‘yung karapatan natin, abusuhin ‘yung karapatan natin mahirap ‘yun kaya sa tingin ko kung hindi maamyendahan ito, iabolish ito, basta naabuso ang mga Pilipino,” dagdag pa ni Pacquiao.

Ngunit ayon kay Sec. Esperon, hindi totoong maaabuso ang human rights gamit ang Anti-Terror Law.

“Pinaghirapan yan ng committee sa Senado, pinaghirapan ng gobyerno yan, pinaghirapan sa Supreme Court tapos dahil ba gusto mo makuha ang boto ng mga taga kaliwa ay sasabihin mo yan? Pag-isipan naman natin ang patutunguhan ng Pilipinas,” wika ni Esperon.

Sa kabuuan, idineklarang constitutional ng Supreme Court ang Anti-Terror Law maliban na lamang sa ilang probisyon nito.

Ayon sa Law Enforcement Agencies (LAE), mapapaigting ng batas ang pagbabantay laban sa terorismo.

Gamit nito ay maaagapan ang mga terror acts na mangyayari sa bansa.

Dahil dito, hindi makapaniwala si  Esperon sa pahayag ni Pacquiao na isang AFP reservist.

“Alam mo bang nagsimula yan sa Master Sgt. hanggang naging Col si Sen. Pacquiao? Eh kasama pa naman namin siya sa serbisyo pagkatapos ganyan ang sasabihin niya?” saad pa ni Esperon.

Follow SMNI News on Twitter