Planong pagbili ng bivalent vaccines, suportado ni Sen. Bong Go

Planong pagbili ng bivalent vaccines, suportado ni Sen. Bong Go

SUPORTADO ni Senador Christopher “Bong” Go ang hakbang ng pamahalaan na pagbili ng bivalent COVID-19 vaccines.

Sa kabila ng pagkasayang ng bilyong pisong halaga ng COVID-19 vaccine ng bansa ay naghayag ng suporta si Sen. Bong Go sa pagbili ng bivalent o updated covid vaccines.

Ito ang pahayag ng senador sa isang interview nang tinanong kung napapanahon na bang bumili ng panibagong bakuna matapos inanunsyo ni Department of Health OIC Secretary Maria Rosario Vergeire na isinasapinal na nila ang procurement ng bivalent vaccine na plano nang ituturok sa 2023.

 “Mas mabuti na yung nauna tayo. As your chairman ng Senate Committee on Health sa Senado. Basta protektado ang buhay ng bawat Pilipino,” saad ni Sen. Go.

Pero pakiusap din ng senador sa mga kinauukulan na siguraduhing walang masayang sa mga bibilhing gamot.

Matatandaan na una nang kinuwestiyon ng ilang mambabatas sa Senado ang pagkasayang ng bilyong pisong halaga ng bakuna na ginamit sa pandemya.

Sa ulat kasi ng DOH, nasa 15.6 bilyong piso na halaga o 12 percent ng 250.38 bilyong doses ng kabuuang bakuna ang nasayang.

Pero batay sa pahayag ng Word Health Organization, hanggang 25 percent ang inaasahan nilang masasayang sa bawat bansa kung kayat katanggap-tanggap pa ang nangyayari sa Pilipinas.

Sen. Go namigay ng ayuda sa San Nicolas, Batangas

Samantala, habang ramdam pa rin ang pandemya sa bansa ay patuloy naman ang pamimigay ni Sen. Bong Go ng ayuda sa ating mga kababayan.

Araw ng Huwebes, Disyembre 15 ay personal na binisita ni Sen. Go ang San Nicolas, Batangas upang mamahagi ng grocery packs, vitamins, face mask at iba pa sa mga nangangailangan nating kababayan.

Pinangunahan din ni “Mr. Malasakit” ang pamimigay sa daan-daang estudyante ng P5-K ayuda mula sa DSWD.

Relo, bisekleta, at sapatos ay kabilang naman sa pinaraffle ng senador bilang maagang Pamasko.

Follow SMNI NEWS in Twitter