INIHAYAG ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangan ang transparency para sa planong pagpapatayo ng nuclear power sa bansa.
Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order (EO) para isama ang nuclear power sa energy mix bilang paghahanda sa pag-phase out ng coal-fired power plants.
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, na kailangan ng transparency para makuha ang kumpyansa ng taumbayan para sa anumang talakayan sa nuclear power.
“Transparency is key in building the confidence of the public on the use of this complex source of power,’’ saad nito.
Paalala ni Gatchalian na nabigyan na ng pondo ng Senado ang nuclear research and feasibility study ng Department of Energy (DOE) mula 2018 na nagkakahalaga ng P266-M.
Dapat aniya nitong isapubliko para maunawaan ng mga mamamayan ang benepisyo at panganib ng naturang power source.
Dapat din aniyang ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang science-based research para matukoy kung mas matimbang ba ang benepisyo ng nuclear power kaysa sa mga panganib na dala nito.
“The Senate has funded the Department of Energy’s nuclear research and feasibility study amounting to P266 million since 2018. This study should be made public in order for the Filipino people to understand the risks and benefits of nuclear power injected into our energy mix,” sinabi ni Gatchalian.
Inihayag din ng senador na ang pagtatatag ng nuclear power ay mangangailangan ng mga batas at polisiya para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Hindi rin aniya sapat ang 6 session days na nalalabi sa 18th Congress para magpasa ng anumang batas na may kaugnay sa nuclear power.
‘’Having said that, establishing nuclear power from the ground up entails numerous pieces of legislation and policies to ensure the safety of the public. With 6 session days left in this 18th Congress, there is no ample time to enact any nuclear power-related laws,’’ paliwanag ni Gatchalian.