Planong pagsasabatas ng UP-DND Accord, pinanawagang huwag suportahan

NANANAWAGAN ang isang grupo ng mga magulang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi sana umusad ang isinusulong na pagsasabatas ng UP-DND Accord.

Ayon sa grupo, marami sa kanila ay hindi pa naibabalik ang kanilang mga anak na hawak pa rin ng mga komunistang grupo na CPP-NPA-NDF.

Pangamba nila, mas dadami ang mga lilitaw na aktibistang kabataan kung hahayaan lang ito ng Kongreso.

Isa si Relissa Lucena, sa mga magulang na dumulog noon sa Senado sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Mula sa limang magulang na lumutang, ikinuwento ng mga ito na ang kanilang mga kabataang anak ay na-recruit ng makakaliwang grupo sa loob ng kanilang pinapasukang eskwelahan.

Hiniling ng mga ito sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na ibalik na sa kanila ang mga anak nila.

Makikita noon ang paghagulhol ni Lucena habang ikinukuwento ang malaking pagbabago sa kanilang mga anak na na-recruit ng Anak Pawis Partylist at Kabataan Partylist at League of Filipino Students (LFS).

Sa salaysay ni Lucena, nakita niya sa post sa Facebook na ginamit ng Anakpawis at Kabataan Party-list ang kaniyang anak noong nakaraang halalan habang nagkakabit ng mga campaign materials ng Kabataan Party-list.

Ito ang nagtulak na maitatag ang grupong Yakap ng magulang na inaasahang magbubuklod sa lahat ng magulang sa bansa upang imukat ang mga ito sa kasamaan ng mga makakaliwang grupo na iwasang mapalapit ang kanilang mga anak sa panlilinlang ng grupong CPP NPA.

Kaugnay nito, mahigit na nakikiusap ang grupo sa Kongreso na huwag pansinin o suportahan ang isinusulong na pagsasabatas ng UP-DND Accord na magpapatunay ng pagprotekta sa mga eskwelahan upang hindi tuluyang makapasok ng basta basta ang mga pulis at militar nang walang pahintulot ng may ari o pamunuan ng isang pamantasan.

Matatandaang Isang House Bill 8443 ang inihain ni Quezon City Congressman Kit Belmonte upang pagtibayin pa ang winakasan nang UP-DND Accord.

Dahilan ng mambabatas ay para naprotektahan aniya ang pag-aaral o academic freedom ng mga estudyante.

Samantala, pangamba pa ng grupo ni Lucena, kung wala aniyang kikilos na magulang para sa kapakanan ng kanilang mga anak, posibleng dumami pa ang mga estudyante at walang muwang na mag-aaral ang pasukin ng mga komunistang grupo at dalhin sa bundok at tuluyang hindi na makabalik sa kanilang piling.

Matatandaan ding nito lamang nakaraang linggo nang opisyal na ilabas ng National Task Force to End Local Armed Conflict o NTF ELCAC ang listahan ng mga eskwelahang sangkot sa malawakang recruitment ng mga CPP NPA NDF.

Bagamat ilan sa mga ito ay pumalag sa red tagging issue na ginagawa anila ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa AFP,  umabot na sa 513 na kabataan ang na-recruit ng CPP-NPA mula 1999 hanggng 2019.

Ang 513 na bilang ng mga kabataan ay kumakatawan sa mga sumuko, nahuli o napatay ng militar at ayon sa record, 362 sa mga ito ang sumuko; 134 ang nahuli at 17 ang napatay.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.