Plebisito sa Palawan, hindi ipagpapaliban kahit may pandemya —Comelec

WALA ng gagawing reschedule ang Commission on Elections sa nakatakdang plebisito sa Palawan.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa isang online press briefing ngayong Huwebes, Pebrero 11, nang tanungin ito kung may posibilidad ba na ipagpaliban ang plebisito kung mayroong pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa lalawigan ng Palawan.

Aniya, walang nakikitang banta ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang mga local health officials dahil pito lamang ang naiuulat na aktibong kaso sa buong probinsiya hanggang kahapon.

Tiniyak din ni Abas na istriktong ipatutupad ng Comelec ang health measures sa aktuwal na araw ng plebisito.

Nag-release na rin ng guidelines ang Comelec kung paano gaganapin ang plebisito sa Palawan tulad ng Comelec Resolution No. 10687 kung saan nakasaad dito na lima lamang ang maaaring makapasok sa voting center at lahat ay required na magsuot ng face masks at face shields.

Required din ang lahat ng voters na umalis kaagad matapos makaboto.

Magtatakda rin ng Isolation Polling Place o (IPP) ang Comelec para sa mga botante na makapagrehistro ng 37.5 degrees Celsius temperature o higit pa para doon na makapagboto.

Gaganapin ang plebisito sa 23 municipalities ng probinsiya ng Palawan maliban sa Puerto Princesa City ayon sa Comelec.

Saad din ng Comelec ngayong araw opisyal na sisimulan ang information at campaign ng Palawan plebiscite at magtatapos hanggang March 11.

Gaganapin ang information campaign sa pamamagitan ng online, sa telebisyon, o ipalabas sa radyo, ngunit anila maaari pa rin ang face-to-face interactions pero dapat mahigpit na mapatupad ang health protocols.

Sa araw ng plebisito sa Marso 13, sisimulan ang botohan mula 7:00 am hanggang 3:00 pm. Habang ang pagbibilang ng mga boto ay magsisimula sa 3:00 pm hanggang sa matapos.

Sasagot lamang ng yes or no ang mga botante kung pabor ba ito sa gagawing paghahati sa lalawigan.

plebisito sa palawan

Sa araw rin ng plebisito mahigpit ring ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbibigay, pag-aalok, pagbili, paghahatid o pag-inom ng alak; pagbibigay o pagtanggap ng libreng transportasyon, pagkain, inumin; pagdadala ng nakamamatay na sandata sa mga lugar ng botohan; pagsolicit ng mga boto o pagsasagawa ng anumang propaganda para o laban sa isang “oo” o “hindi” sa loob ng lugar ng botohan; pagbubukas ng mga booth para sa pagbebenta ng mga paninda o pampalamig sa loob ng 30-meter radius; at pagbubukas ng mga perya, sabong, boksing, karera ng kabayo at iba pang kaparehong sports.

Ipinagbabawal din sa araw ng botohan ang substitute at pagboto ng higit pa sa isang beses.

Mahigit isang buwan ring magpapatupad ng gun ban ang Comelec sa palawan simula ngayong araw hanggang March 20, 2021.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Duterte noong April 5, 2019 ang Republic Act No. 11259 na naglalayong hatiin ang lalawigan ng Palawan sa tatalong probinsya – ito ang Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.

Mayo ng nakaraang taon pa ito dapat gaganapin ngunit nasuspinde ito dahil sa pandemya.

Nasa 490, 639 voters sa Palawan maliban sa Puerto Princesa ang inaasahang lalahok sa plebisito para sa ratification ng Republic Act. 11259.

Pagtitiyak naman ng Comelec na magiging non-partisan o hindi ito magiging bias.

SMNI NEWS