NAGSIMULA na sa kaniyang pitong araw na pagbisita sa Indonesia at India si Prime Minister Fumio Kishida at posibleng isa sa maging pokus nito ay tanggalin ang pangamba ng ilang mga bansa.
Si Kishida ay dadalo sa pagpupulong ng mga lider ng mga bansang kasapi sa ASEAN at iba pang mga bansa sa Jakarta sa tatlong araw na susundan naman ng dalawang araw na Group of 20 Summit na sisimulan sa Sabado.
Ang mga pagpupulong na ito ay marka ng large-scale international forums kasunod ng wastewater discharge ng Fukushima Plant noong Agosto 24.
Matatandaan na hindi sang-ayon ang mga lokal na mangingisda, at iba pang grupo maging iba pang Asyanong bansa dahil posibleng magdulot umano ang hakbang ng Japan ng mga hindi inaasahang sirkumstansiya lalo na sa marine ecosystem.
Inihayag naman ni Kishida sa media bago ito umalis ng bansa na ipapaliwanag nito ang pangangasiwa ng Japan sa pagpapakawala ng treated radioactive water.
Dadalo si Kishida sa ASEAN Plus Three talks kasama ang China at South Korea maging ang East Asia Summit sa Huwebes na dadaluhan naman ng ilang makapangyarihang bansa gaya ng Estados Unidos, India, at Russia.
Layon ng Tokyo na palakasin ang ugnayan sa Global South at umuunlad na mga bansa sa Asya.