INIHAYAG ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ na kagaya ng ibang mga dating presidente, dapat magkaroon ng willingness si dating Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na dumalo sa posibleng pagpupulong sa Malakanyang upang maliwanagan ang lahat kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
“So, paanong maipapaliwanag niya (PNoy) ang role niya sa pagkawala ng Scarborough Shoal?” ang tanong ni Pastor Apollo kaugnay sa ulat na malabong makadalo si Aquino sa ipinatawag na posibleng pagpupulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
(BASAHIN: Ex-Pres. Pnoy, maraming beses na hindi alam ang mga ginagawa ni ex-Sen. Trillanes sa China)
Una rito, kinokonsidera ni Pangulong Duterte ang pakikipagpulong sa mga dating presidente ng bansa upang tutukan ang mga usaping may kinalaman sa mga claim sa WPS.
Ito ay batay sa anunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang pulong balitaan noong nakaraang linggo.
Kasunod ng anunsyo patungkol sa naturang pagpupulong, inihayag ng isang source ang nagsabi na hindi makadalo si dating Pangulong Aquino dahil sa ilang kadahilanan na hindi maaring isapubliko.
Maliban dito, wala ring natanggap ang kampo ni Aquino na pormal na imbitasyon mula sa Malakanyang na may kaugnayan sa gagawing meeting.
“‘Yung sinabi ng ating Pangulo na gusto niyang makausap silang lahat, you don’t need an invitation; ang sabihin mo na lang ‘Andito ako, if you need me I’m available,’ tulad ng sinabi ng ibang mga presidente. They said to our President, ‘Available kami, narito kami,’ ang tugon ng butihing Pastor sa kampo Aquino.
“Kung tumanggi ka dahil wala kang imbitasyon, ‘di mo na kailangan siguro ng imbitasyon sapagkat ang imbitasyon sinabi na niya na gusto niyang makausap silang lahat,” dagdag ni Pastor Apollo.
Dagdag pa ng butihing Pastor, nasa ilalim ng administrasyon ni Aquino nang mawala sa Pilipinas ang Scarborough Shoal kaya mahalaga rin na naroon siya sa pagpupulong upang maipaliwanag nito nang maigi ang talagang nangyari sa WPS sa kanyang kapanahunan.
“Siguro ang pagtawag na lang kung… ang kaklaruhin diyan kung talaga bang willing siya pumunta o hindi. Sa balitang lumabas, ayaw ata talaga niya eh, tumanggi yata siya. So, paanong maipapaliwanag niya (PNoy) ang role niya sa pagkawala ng Scarborough Shoal o sa Panatag Shoal na tinatawag natin? Na in their time, it was in his administration na ito’y nangyari,” ayon pa kay Pastor Apollo.
Sa kabilang banda, kung matatandaan, inihayag ni Roque na mas katanggap-tanggap ang pagpapatawag sa mga dating presidente ng Pilipinas, sa halip na i-convene ang National Security Council na mungkahi ni dating AFP Chief of Staff at Senador Rodolfo Biazon.
Pahayag pa ni Roque, nabanggit sa kanya ng Punong Ehekutibo na walang nareresolba sa National Security Council base sa naging karanasan nito sa pagdalo sa naturang mga pulong.
Kung kaya’t iniisip ni Pangulong Duterte na imbitahan na lamang ang mga dating presidente kasama na rin ang ilang personalidad para magpulong sa isyu ng WPS.
Binigyang diin din ng Palasyo ng Malakanyang na walang nakakalito sa posisyon ni Pangulong Duterte sa WPS dahil walang teritoryong nawawala sa ilalim ng kanyang administrasyon.
(BASAHIN: Dating Sen. Enrile, inimbitahan ni Pang. Duterte sa Malakanyang para talakayin ang WPS sa Mayo 17)