IPINAGDIWANG ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang ika-10 anibersaryo ngayong araw.
Pinangunahan ni Police Lieutenant General Michael John Dubria, Chief of Directorial Staff ng PNP ang pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng PNP-ACG.
Si Dubria ang nagsilbing kinatawan ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa nasabing pagdiriwang na may temang “A decade of keeping cyberspace safe and secure” sa PNP Multi-Purpose Center, Camp Crame, Quezon City.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Dubria na naging instrumento ang ACG sa pagtugon sa cybercrime at pagpapalakas ng cyber security sa bansa sa nakalipas na dekada.
Dahil din aniya sa dedikasyon ng mga tauhan ng ACG ay maraming kababayan ang nailigtas sa matagumpay na operasyon at marami ring masasamang loob ang nasampahan ng kaso.
Sa accomplishment report ng ACG nitong 2022, nakapagsagawa sila ng 378 anti-cybercrime operations, kung saan nahuli ang 945 indibidwal.