DALAWANG linggo bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), sama-samang nilagdaan ng mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan ang peace covenant para sa maayos, payapa at ligtas na halalan ngayong Oktubre.
Isinabay ito sa tradisyunal na flag raising ceremony ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Krame.
Iginiit ng COMELEC kasabay ng paghimok sa publiko na huwag hayaan na mangibabaw at lumaganap ang karahasan sa tulong ng pinag isang puwersa ng malalaking law enforcement agency sa bansa.
Sa kani-kaniyang mga mensahe, parehong kinikilala ng lahat ng law enforcement agencies gaya ng PNP, AFP at Philippine Coast Guard ang malinis at ligtas na halalan ngayong taon.
Anila, kaisa sila sa pagbabantay at pagsisiguro na maipatutupad ang karampatang seguridad sa iba’t ibang panig ng bansa partikular na sa mga nasa ilalim ng red category o areas of grave concern.
Batay sa pinaka huling datos ng PNP, nasa 547 na ang naitalang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng red category habang maaari pa itong madagdagan depende sa sitwasyon sa mga barangay na may naitatalang matinding political rivalry o election related incidents.