PNP-AVSEGroup, muling nagpaalala sa epekto ng ‘bomb joke’

PNP-AVSEGroup, muling nagpaalala sa epekto ng ‘bomb joke’

MALAKI ang epekto sa mga mananakay kung ang isang pasahero ay nag-bomb joke o magbibiro kaugnay sa bomba.

Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGroup), magdudulot ito ng malaking delay at makaaapekto sa lahat ng pasahero.

Dahil dito, muling nagpaalala ang awtoridad sa publiko hinggil dito.

Agresibo ang PNP-AVSEGroup na ipagpatuloy ang paglaganap ng impormasyon kaugnay sa ipinagbabawal na bomb joke o bomb threat sa mga paliparan sa Pilipinas.

Ang paglabag ng isang pasahero sa umiiral na batas ang isa sa mga hamon na kinakaharap ng mga awtoridad maging ng mga airlines.

Hindi dapat gawing biro ang salitang bomba kung nasa loob na ng paliparan o maging sa loob ng eroplano ang isang pasahero.

Sa isang panayam ng SMNI News, sinabi ni Col. Gary Reyes, chief ng Investigation Division ng PNP-AVSEGroup, mahaharap sa kasong paglabag ang pasahero sa Presidential Decree No. 1727.

Sa huling tala ng PNP-AVSEGroup, umabot na sa tatlong indibidwal ang lumabag sa batas ngayong taon. Noong taong 2023, nakapagtala ang naturang ahensiya ng walong insidente ng bomb joke.

Hindi rin maitatanggi ng opisyal kung gaano kalaking abala ang magagawa ng isang pasahero kung gumawa ito ng bomb joke sa loob ng paliparan at eroplano.

Paliwanag ni Reyes, kapag may ganitong insidente, magsasagawa ng pag-uutos ang piloto para pababain ang mga pasahero na nakasakay na ng eroplano at nakahanda nang lumipad. Pagkatapos naman ay magsasagawa ng paneling operation ang aviation security at K9-unit para i-panel ang mga bagahe.

Gayunpaman, hindi nagkulang ang PNP-AVSEGroup na ipakalat ang information materials sa mga paliparan sa bansa kaugnay sa umiiral na batas, gaya sa social media at pagbibigay ng flyers sa mga pasahero kaya naman muling nagpaalala ang PNP-AVSEGroup.

Una na ring sinabi ni PNP-AVSEGroup Director Gen. Jack Wanky na nakipagpulong na ito sa mga airline at Civil Aeronautics Board na magkaroon ng information campaign hinggil sa nagpapatuloy na problema ng bomb jokes incident.

Nagkakaroon din kasi ng domino effect sa mga eroplano na may susunod na flight kung ang isang eroplano ay naantala sa paglipad dahil sa isyu ng bomb jokes.

Samantala, aminado rin ang Cebu Pacific na dumadami na rin ang bilang ng bomb jokes.

Ayon sa naturang air carrier, sa ganitong insidente kinakailangan i-delay ng ilang oras ang ilan sa kanilang flight na nagbubunga ng domino effect sa buong araw.

Nilinaw rin ng CEBUPAC na magreresulta rin ng malaking gastos sa airlines habang libu-libong pasahero naman ang maabala sanhi ng   bomb jokes incident.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na rin ang Cebu Pacific sa Manila International Airport Authority (MIAA) at Office for Transportation Security (OTS) para mas lalo pang paigtingin ang kamalayan ng mga mananakay sa pamamagitan ng paglalagay ng poster at signage sa paliparan kaugnay sa matinding epekto ng bomb jokes.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble