PNP AVSEGROUP, nakapagtala ng 11 kaso ng bomb joke sa mga paliparan sa bansa mula January-July 2024

PNP AVSEGROUP, nakapagtala ng 11 kaso ng bomb joke sa mga paliparan sa bansa mula January-July 2024

BOMB joke is not a joke! Ito ang muling paalala ng Philippine Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) sa mga pasahero na nagbibiro tungkol sa bomba sa mga paliparan ng Pilipinas.

Sinabi ni Police Colonel Christopher Melchor na ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong dumadagsa sa mga paliparan kumpara sa nakaraang taon ang isa sa mga dahilan kung bakit tumaas ang kaso ng bomb joke sa bansa.

“Base sa aming criminal investigation na report analysis ang system ‘yung CIRAS, nakapagtala po tayo ng apat na kaso noong 2023 from January to July kumpara ng January to July ng 2024, nakapagtala tayo ng 11,” pahayag ni PCol. Christopher D. Melchor, Chief, Investigation Division (A4), PNP Aviation Security Group.

Sinabi rin ng opisyal na kasama sa itinuturing na bomb threat ‘yung gumagamit ng email at cellphone.

Pito lamang ang naitalang kaso ng bomb jokes sa buong taon ng 2023 na personal na kinasuhan.

Aminado rin ang PNP-AVSEGROUP na kawalan ng kaalaman sa sersyosong mga parusa ang posibleng kaharapin ng isang pasahero ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang kaso ng bomb joke.

Sa ilalim ng Presidential Decree 1727 ay maari ding kasuhan at makulong ang isang pasahero na nagbibiro patungkol sa bomba habang nasa loob ng paliparan.

Maari ding pagmultahin nang malaking halaga, depende sa kalubhaan ng pagbibiro tungkol sa bomba.

Posible ring i-offload ng isang airline ang isang pasahero na nag-bomb joke kahit pa nakasakay na ito ng eroplano.

Ang pagkakasangkot sa ganitong insidente ay maari ding maging sanhi ng permanenteng record sa kanilang criminal history na maaring makaapekto sa kanilang trabaho o paglalakbay sa hinaharap.

“Sa mga public places po especially sa mga paliparan, mahigpit na ipinagbabawal ang bomb joke, ito po ang laging sinasabi na ang bomb joke is not a joke, hindi ito katatawanan o pinag-uusapan kasi ito ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas,” dagdag ni Melchor.

Katuwang ang airport authorities at airline operators, patuloy ang ginagawang meetings para maibsan ang patuloy na tumaas ng kaso ng bomb joke, kabilang na rito ang pagsasagawa ng awareness campaigns, pagsasagawa ng simulation exercises at marami pang iba.

“At the same time sa airport premises naman, merong signages na nagsasabi na pinagbabawal ‘yung pagsasabi ng bomb joke sa ating mga paliparan,” aniya.

Nitong Hunyo lamang, nagkaroon ng Joint Inter-operability Enhancement Exercise ang PNP Aviation Security Group, Joint Special Operations Group of the Armed Forces of the Philippines, at 710th Special Operations Wing Philippine Air Force na isinagawa sa PNP AVSEGROUP headquarters, Pasay City.

Layon ng aktibidad na itampok ang magkakaibang hanay ng pagpapalitan ng kaalaman at kasanayan at nakatuon sa pagpapahusay ng mga tugon sa mga krisis at emergencies, partikular na sa mga paliparan ng bansa.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, ang mga piling yunit ay nakahanda para gumana sa pakikipagtulungan, pagtugmain ang kanilang kadalubhasaan, pinagkukunan at mga pagsisikap tungo sa pagkamit ng mga ibinahaging layunin at pagpapahusay ng pambansang seguridad.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble