PNP Chief Debold Sinas, naniniwalang hinalay si Christine Dacera

NANINDIGAN ang Philippine National Police na nahalay ang flight attendant na si Christine Dacera.

Maliban din sa 11 indibidwal ay may iba pa umanong sangkot sa krimen ayon kay PNP chief Debold Sinas.

Personal na nagpaabot ng pakikiramay si PNP chief Police General Debold Sinas sa pamilya Dacera.

Pasado alas-10:00 ng umaga nang dumating ang Chief PNP sa isang lugar sa San Juan kung saan kanyang kinausap ang pamilya ni Christine Dacera, ang flight attendant na natagpuang patay sa isang hotel sa Makati.

Nagbigay ng update ang Chief PNP sa takbo ng kaso ng biktima.

Nasa lugar din sina PNP deputy chief for administration Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, PNP deputy chief for operations Police Lieutenant General Cesar Binag, NCRPO regional director Police Brigadier General Vicente Danao at iba pang opisyal.

Sinabi ni Sinas na bagama’t inihayag niyang case solved na ang kaso ni Dacera ay magpapatuloy ang imbestigasyon at pagtunton sa mga isinasangkot sa krimen.

Sa katunayan ay nakatanggap na sila ng surrender filler mula sa ilang isinasangkot sa krimen.

Matatandaang binigyan ng 72 oras na ultimatum ni Sinas ang mga isinasangkot sa krimen para sumuko.

Sa ngayon, may tatlong indibidwal na ang nasa kustodiya at nakasuhan ng rape with homicide.

Bukod sa 11 indibidwal, may iba pa umanong nakuhanan ng CCTV sa hotel sa Makati na tinuluyan ni Dacera.

Ayon kay Sinas, isasama sa kaso ang lahat ng nakitang kasama sa kuwarto ng biktima.

Padadalhan din aniya ng subpoena ang mga isinasangkot sa krimen at hihintayin ang paglabas ng arrest warrant sa mga ito.

Nanindigan si Sinas na nahalay si Dacera dahil sa tinamo nitong pasa, laceration at fluid sa pribadong bahagi ng katawan.

Maliban dito, may hawak din silang motibo pero hindi muna ito idedetalye dahil gumugulong pa ang imbestigasyon.

Tumutulong na rin ang PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Makati City Police sa pag-iimbestiga sa krimen.

Umapela rin si Sinas sa publiko na iwasan muna ang mga ispekulasyon sa social media hingil sa nangyari kay Dacera.

Samantala, kuntento naman ang ina ng biktima sa itinatakbo ng imbestigasyon at naniniwalang makukuha nila ang hustisya.

SMNI NEWS