DINEPENSAHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Pilipphine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos matapos ang nangyaring pagbagsak ng chopper ng PNP sa Quezon.
Kaugnay nito, nagpaliwanag din ang hepe ng pambansang pulisya kung bakit kinailangan niyang gumamit ng naturang chopper.
Dinipensahan ni Gen. Carlos ang kanyang sarili matapos ang pagbagsak ng Airbus H125 helicopter ng PNP sa bulubunduking bahagi ng Real Quezon nitong Lunes ng umaga.
Giit ni Carlos, walang nilabag sa paglipad ng Airbus H125 helicopter para sunduin sana siya sa isang pribadong isla sa Quezon.
Ayon sa heneral, ang paglipad ng nasabing helicopter ay alinsunod sa mga patakaran at regulasyon ng pambansang pulisya.
Linggo ng hapon, nagtungo si Carlos sa Balesin Island para sa pribadong oras matapos ang pagdalo sa Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.
“Over the weekend, I attended the PMA Alumni Homecoming at PMA, Baguio City and returned to Crame, QC Saturday afternoon,” sinabi ni CPNP Dionardo Carlos, on PNP Chopper Crash.
Nakatakdang bumalik si Carlos ng Lunes ng umaga sa Camp Crame sa pamamagitan ng pribadong sasakyan.
Pero dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari, ang nasabing pribadong sasakyan ay magagamit lamang sa gabi ng Lunes.
“The following day, Sunday afternoon I traveled to Balesin Island for private time and scheduled to return Monday morning via private transport. However, I was informed that due to unforeseen circumstances, said private transport would only be available in the evening of Monday,” ayon kay CPNP Dionardo Carlos.
Agad na humiling si Carlos ng isang administrative flight para makabalik nang mas maaga sa Camp Crame pero nangyari naman ang pagbagsak ng naturang chopper.
“This prompted me to request for an admin flight to transfer/move me back to Camp Crame Monday morning so I can perform my duties. The flight directive was allowed and issued following PNP rules and regulations,” saad pa ni Carlos.
Ikinalungkot naman ni Carlos ang pagbagsak ng helicopter ng PNP na nagresulta sa pagkasawi ng isang pulis at pagkasugat ng dalawa pang tauhan.
“I regret that the accident happened and never wish harm to my personnel nor losses to the organization. Rest assured that a thorough investigation is being undertaken,” dagdag pa ni Carlos.
Sa kabilang banda, ipinagtanggol ng DILG ang paggamit ni Carlos ng chopper ng pamahalaan.
Ayon sa tagapagsalita ng ahensiya na si Undersecretary Jonathan Malaya, lehitimo ang paggamit ni Carlos ng chopper para sa isang official function kung wala nang ibang paraan para makarating sa lugar.
Wala umanong liability ang heneral sa pagpapasundo sa isla ng Balesin dahil papunta na siya sa kanyang tungkulin.
“Yung trip na iyon was official business. He was not going anywhere but to his office. Basta official business naman, wala naman yan problema. Pangalawa he is the chief of the Philippine National Police so he has the privilege to use the helicopters or any of the assets of the police organization,” ayon kay Usec. Jonathan Malaya, DILG.
Samantala, wala pang impormasyon ang PNP sa takbo ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa crash incident sa Quezon.