TILA ayaw pa ring tumigil ng Philippine National Police (PNP) sa paghahabol ng asunto laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pulong balitaan sa Kampo Krame, kinumpirma ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na sinisilip na rin ngayon ng PNP ang mga pag-mamay-aring baril ng bise presidente kung may kaukulang dokumento ang mga ito gaya ng lisensiya at rehistro.
“For one I can confirm na meron pong isa pong LTOFP holder si VP Sara at meron din pong mga firearms na nakarehistro under her name but as to the type of license I cannot for not reveal kung ano pong type of license ‘yung hawak niya but definitely siya ay may LTOPF at meron pong lisensyang mga baril na nakarehistro under her name,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Posible kasing matanggalan ng lisensiya ng baril at ang karapatan na magmay-ari si Vice President Sara depende pa anila sa kalalabasan ng ginagawang imbestigasyon sa mga isinampang kaso ng PNP-CIDG laban sa pangalawang pangulo.
‘‘As to the possibility of filing case against her as a result of what happened last Saturday, it would be premature for now to answer that question. Let us wait for the completion ng investigation na isinasagawa ng CIDG to determine whether or not these cases filed against can be used as a ground for possible revocation or cancellation of her LTOFP and firearms registration,’’ ayon pa kay PBGen. Fajardo.
Matatandaang naghabla na ng mga kaso ang PNP laban kay VP Inday Sara dahil sa insidenteng nangyari nitong nakaraang Sabado kung saan sinaktan umano ang ilang tauhan ni Marbil sa paglilipat noon sa Chief of Staff ni VP Sara na si Atty. Zuleika Lopez.
Isa lamang ito sa mga dahilan ng maaanghang na pahayag ni VP Sara laban sa mga taong pinaghihinalaan nitong nasa likod ng kaniyang political persecution.
Sa ngayon ani Fajardo, masyado pang maaga aniya para pangunahan ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon sa bise presidente.
Mga kinakaharap na kaso at banta vs VP Sara Duterte, political agenda lamang─Panelo
Para naman sa Dating Chief Presidential Legal Counsel na si Atty. Salvador Panelo, hindi na bago aniya ang mga ganitong klase taktika para lang masira ang pangalan at reputasyon ni VP Sara.
Ang ending aniya, politika pa rin ang dahilan ng lahat ng ito.
Nauna nang sinabi ni VP Sara na nakakahiya ang PNP dahil sa kabila ng pagkakaroon nito ng intelligence fund ay hindi nila alam na mayroon banta sa buhay ang pangalawang pangulo.