PNP handang makipagtulungan sa CHR kaugnay sa problema ng illegal drugs sa bansa

PNP handang makipagtulungan sa CHR kaugnay sa problema ng illegal drugs sa bansa

BUKAS ang pintuan ng Philippine National Police (PNP)  sa anumang klaseng pagsisiyasat  na gagawin ng alinmang ahensya ng pamahalaan na nais makita ang official record ng mga operasyon ng  ahensya sa anti-illegal drugs campaign ng Duterte Administration.

Sa kanyang pagbisita sa Pampanga ngayong araw, muling iginiit ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na walang tinatago ang kanyang ahensya mula sa mga pinangungunahan nitong operasyon sa ilalim ng anti-illegal drugs campaign ng Duterte Administration.

Nanindigan ang heneral na may tamang departamento o ahensya, korte, at hukom na malayang tumitingin sa mga inihahaing reklamo o kaso  laban sa kanilang pamunuan mula sa mga isinasagawa nitong operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Wala ring kinikilingan ang kanilang pamunuan upang parusahan ang mga tauhan nito at sinumang pulis na sangkot sa mga karumal-dumal na gawain gaya ng pagpatay at iligal na droga.

Bagay na hindi  nito sinasang- ayunan ng ahensya ang naging hakbang ng International Criminal Court (ICC) para kwestyunin ang pamamalakad ng pamahalaan kontra iligal na droga.

(BASAHIN: Pastor Apollo C. Quiboloy, tinawag na pagsasayang ng oras ang kaso ni Pangulong Duterte sa ICC)

Ani General Eleazar, tumatakbo nang maayos  ang hustisya sa bansa at hindi ito natutulog.

Sa katunayan ayon pa sa heneral,  handa itong makipagtulungan kahit pa sa Commission on Human Rights  (CHR) upang patunayan na lehitimo ang lahat ng kanilang operasyon at wala itong kinalaman sa mga alegasyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng sinumang operatiba na nagsasagawa ng kani-kanilang anti-illegal drugs operations.

Isa sa mga pinakahuling kontrobersya ngayon ang pagkamatay ng isang 16-anyos na si Johndy Maglinte na diumano’y pinatay ng ilang pulis mula sa operasyon nito kontra iligal na droga sa Laguna.

Iginiit ng mga sangkot sa insidente na nanlaban ang binata na siya namang pinabulaanan ng pamilya ng biktima.

Pero hiling ng PNP sa mga nakakita ng insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mabigyan ng linaw ang nasabing pangyayari.

Samantala, pinaalalahanan naman ng PNP ang mga kritiko ng ahensya na maghinay-hinay sa mga pagpapalabas ng balita at alegasyon nang walang matibay na ebidensya pero bukas din ito sa mga kritisismo bilang paggalang sa demokrasya sa bansa.

SMNI NEWS