PNP, hindi susunod sa utos na pag-aresto ng ICC kay FPRRD—PNP PIO

PNP, hindi susunod sa utos na pag-aresto ng ICC kay FPRRD—PNP PIO

NILINAW ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila susunod sa utos ng International Criminal Court (ICC) para sa napapabalitang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito’y matapos na paratangan si Dating Pangulong Duterte na nasa likod ng diumano’y extrajudicial killings at human violation sa bansa.

Sa panayam ng media kay PNP PIO Chief Police Colonel Jean Fajardo, walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pililipinas kung kaya’t walang arestuhan na magaganap gaya ng ipinakakalat sa mga ulat sa pahayagan at telebisyon.

Dagdag pa ng PNP, tanging sa Pangulo lamang sila makikinig sa sinabi nitong hindi kikilalanin ang impluwensiya at panghihimasok ng ICC sa bansa.

“There is already a question of jurisdiction kasi ito ay sa tingin natin ay panghihimasok sa sovereignty ng ating bansa at lagi nating sinasabi hindi lang on the eyes of the PNP, pati na rin sa mga concerned government agencies na ang judicial system natin is working,” saad pa ni Col. Fajardo.

Kasabay rito ay pinawi ng PNP ang pangamba ng karamihan lalo na sa kampo ng mga dating Pangulong Duterte na hindi sila tatalima sa hakbang ng ICC gayong gumagana naman ang judicial functions ng mga korte sa Pilipinas at may napaparusahan ding mga indibidwal na nakalalabag sa batas nito.

“This is not only about our former president. This is also applicable to an ordinary citizen na maaaring magkakaroon ng kaso outside ng jurisdiction ng PNP. So, there are certain coordination that is required under our existing laws. So, for as long as ‘yung mga batas natin dito ay umiiral at merong legal na basehan para tayo tumulong at makipag-cooperate sa foreign counterparts, then the PNP will cooperate. However, in this issue it is very clear that they have no jurisdiction over any person within the jurisdiction of the Philippines,” giit ni Fajardo.

Magugunitang pinangalanan na ni Former Palace Spokesperson Atty. Harry Roque si Dating Sen. Antonio Trillanes na nasa likod ng pagpapaaresto kay Dating Pangulong Duterte.

Nabatid na si Trillanes ay ang pangunahing complainant sa ICC laban sa dating presidente.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble