NAKIPAGPULONG si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos Jr. sa mga opisyal ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kahapon upang talakayin ang mga isyu kaugnay sa traffic management sa National Capital Region, partikular sa kakulangan ng mga traffic enforcer.
Sinabi ni Abalos na humingi ito ng suporta kay Police Lieutenant Colonel Joshua Alejandro na siyang pinuno ng PNP-HPG NCR upang dagdagan ang kasalukuyang workforce ng MMDA.
Nangako naman si Alejandro na magbibigay ito ng 180 HPG members na ipakakalat sa kahabaan ng EDSA.
Samantala, patuloy naman ang pag-hire ng karagdagang mga traffic enforcer ng ahensiya at inaasahan na aabot sa tatlong buwan ang hiring process nito.
“We need additional traffic enforcers to improve our traffic management efforts,” pahayag ni Abalos.
Sa ngayon ay mayroong 2,187 traffic enforcers na inilagay sa mga pangunahing daanan ng mga sasakyan sa buong Metro Manila.
Sa naturang bilang ay 25 porsiyento nito ay mga senior citizen.
Kaugnay nito, sinabi ni MMDA Traffic Discipline Office Head Teroy Taguinod na ang mga vulnerable sector gaya ng mga senior citizen, buntis, at may mga sakit ay maaring lumiban sa pagpasok sa kanilang mga trabaho dulot na rin ng kinakaharap na pandemya sa bansa.
Base sa record ng ahensiya, kabilang sa mga hindi na pumasok sa kanilang duty ay 64 na mga senior citizen, 25 na maysakit, at anim na buntis.
“To provide economic relief and for humanitarian consideration, we will allow relatives of said traffic enforcers, who are senior citizens, to apply and submit their applications, provided that they will be able to pass the examination and training requirements,” ayon kay Abalos.