ISUSULONG ng Philippine National Police (PNP) ang ‘digitalization’ sa kanilang organisasyon.
Ito ang tiniyak ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gawing fully-automated ang transaksiyon sa gobyerno.
Ayon kay Acorda, binuksan na ng PNP ang isa pang satellite office sa Laguna para mag-isyu ng National Police Clearance.
Ang National Police Clearance System ay fully-digital format na makatutulong para magamit sa local employment, government transactions at iba pa.
Ipinatutupad na rin ng PNP ang automation sa pag-iisyu ng License to Own and Possess Firearms at rehistrasyon ng baril sa pamamagitan ng Civil Security Group hanggang Police Regional Offices.
Binigyang-diin ni Acorda na nakikiisa ang PNP sa Information and Communications Technology (ICT) month ngayong Hunyo bilang suporta sa bisyon at hangarin ni Pangulo Marcos na makamit ang 95 porsiyento na digitalization sa lahat ng transaksiyon sa gobyerno at pribadong sektor.