PNP, itinangging may torture sa ilang testigo sa Degamo assassination—PNP Spox

PNP, itinangging may torture sa ilang testigo sa Degamo assassination—PNP Spox

ITINANGGI ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si PBGen. Redrico Maranan sa panayam ng media araw ng Lunes Mayo 22, 2023, ang alegasyon laban sa kanila na nagkaroon ng torture sa ilang testigo kaugnay sa pagpatay kay Governor Roel Degamo sa Negros Oriental.

Ani Maranan, mataas ang pagpapahalaga ng kanilang organisasyon sa pagkilala sa karapatang pantao at hindi ito gawain ng PNP.

Matatandaang, mula sa suspek na si Jhudiel Rivero aka Osmundo Rivero, nadagdagan pa ng 3 suspek na sina Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan at Dahniel Lora ang nagsipagbaliktad ng kanilang testimonya.

Sa kanilang mga naunang salaysay, itinuro nila si Teves at Marvin Miranda na nagplano at nag-utos para patayin si Degamo dahil sa matinding pananakot sa kanila ng mga awtoridad.

Pero sakali man ani Maranan na mapatotohanan ang naturang alegasyon o mangyari din ito sa ibang operasyon ng PNP, may batas na maaaring kaharapin ang isang opisyal o miyembro ng pambansang pulisya na masasangkot sa nasabing insidente.

Sa ngayon, nananatiling buo ang tiwala ng PNP sa Special Investigation Task Group (SITG) Degamo na nanguna sa operasyon at imbestigasyon na ginawa ng mga ito ng mahusay ang kanilang trabaho.

Sa ngayon, wala pang reklamo na natatanggap ang PNP kaugnay sa ipinupukol na ito laban sa kanilang mga tauhan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter