DUMISTANSIYA ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga binitawang paratang ng self-proclaimed hitman ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ngayo’y nag-uugnay sa pangalan ni Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa diumano’y mga nangyaring pamamaslang sa Davao City sa ilalim ng binuong Davao Death Squad na pinangungunahan aniya ng dating pangulo.
Sa panayam ng media kay PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. pinayuhan lamang nito si SPO3 Arthur Lascañas na patunayan ang kaniyang mga pahayag at maglabas ng ebidensiya laban sa mga isinasangkot nitong personalidad.
Sakali naman aniya magawa ni Lascañas ang makapagbigay ng mga dokumento na nagpapatotoo sa kaniyang mga sinabi, dadaan pa rin ito sa proseso ng imbestigasyon.
Nauna nang pinabulaanan ni VP Sara ang pagpapangalan sa kaniya ni Lascanas bilang parte sa nangyaring extrajudicial killings sa Davao City.
Hamon ng pangalawang pangulo, magsampa ito ng kaso sa korte at doon niya sasagutin ang mga akusasyon nito.