PNP, magtalaga ng mga tauhan para sa media practitioners ngayong halalan

PNP, magtalaga ng mga tauhan para sa media practitioners ngayong halalan

MAGTATALAGA ang Philipine National Police (PNP) ng mga tauhan para sa mga media practitioners upang matiyak ang kanilang seguridad ngayong panahon ng halalan.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa ating pamahalaan.

Dahil sa kanila, maraming tao ang nabubuksan ang isip at pananaw dahil sa mga impormasyong ipinababatid nito sa mamamayan.

Kung walang media, mabagal ang paghahatid ng impormasyon at mahalagang mensahe sa isang lugar, saan mang sulok ng daigdig.

Ngunit, minsan, dahil sa pagganap ng sagradong propesyon na ito, hindi rin ligtas ang mismong mamamahayag sa mga banta sa buhay. Mismong ang tagahatid ng balita ay nalalagay sa peligro ng walang kalaban laban.

Taong 2009 o mahigit labindalawang taon na ang nakalilipas, isang karumal dumal na pangyayari ang gumulantang sa mga pahayagan at maging sa buong mundo, ang Maguindanao massacre.

Ito ang kagimbalgimbal na pagpatay sa 58 indibidwal kung saan 32 dito ay miyembro ng Media.

Sila ay walang kalaban laban na pinatay sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao, noong Nov. 23, 2009.

Matapos ang insidente, nakilala dito ang Pilipinas bilang worst attack against journalists sa buong mundo at worst places for journalists noong kaparehong taon.

Kaugnay nito, ipinagutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng tinatawag na media security focal persons sa mga probinsya at mga lungsod sa buong bansa..

Agad na tumugon dito ang PNP kasabay ng pagtatalaga ng mga tauhan nito na magsisilbing special agents para sa mga media practitioners.

Sa eksklusibong panayam kay National Press Club President Paul Gutierrez, suportado nito ang hakbang  ng DILG at ang kahilingan ng Presidential Task Force on media security bilang pag-iingat sa posibleng pagtaas ng kaso ng karahasan sa mga media practitioners ngayong election season.

“We took this initiative to request for high ranking PNP officers as focal persons because we could foresee what will be necessary for the future in terms of safety and security for members of the 4th estate as mandated by President Rodrigo Duterte in his administrative order no. 1 (ao1),”ayon kay Usec. Joel Sy Egco.

‘’Welcome sa atin yang inisyatiba ng Task Force tsaka ng DILG dahil matagal na rin naman natin isinusulong iyang mga ganyang proposal. Ang task ngayon ng mga Press corp sa buong Pilipinas, based on that directive ng DILG sa PNP, makipag-coordinate na sila sa mga local police station sa kanilang mga area. They can agree among themselves sinong focal person na kakausapin ng media sa mga sitwasyong may problema lalo pa nga ngayon malapit na ang eleksiyon at muli nating inaasahan na tataas nanaman ang insidente ng pananakot, harrassment sa hanay ng media,’’ayon kay Paul Gutierrez, President, National Press Club.

Pakiusap lamang ni Gutierrez sa kapwa mamamahayag sa bansa, na huwag maging partisan at piliin ang propesyon sa halip na maging tuta ng mga malalaking personalidad sa bansa at mga banyaga para baliktarin ang balita at magdulot ng baluktot na paniniwala

‘’Isa isahin ko na sayo ha. Yung NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), yung CMFR (Center for Media Freedom and Responsbility), yung mga bayaran ng mga dayuhan, mga nakapayola sa kanila. Brad, umatras ang mga iyan sa pagiging miyembro ng task force, magto-two years ago na. Bakit nawalan sila ng interes na makipagtulungan sa gobyerno? Na maresolba ang lahat ng insidente ng karahasan sa hanay ng media. Anong meron, tapos yung nakikita nating ang iingay sa paninira sa media. Kagaya nitong Rappler, ibinebintang sa gobyerno, we have to look at the fats, si Digong ba o bata ba ni Digong ang napalibel, hindi naman eh!,’’saad ni Gutierrez.

SMNI NEWS