PNP may handog na libreng sakay sa mga apektado ng transport strike ng grupong Manibela

PNP may handog na libreng sakay sa mga apektado ng transport strike ng grupong Manibela

SA gitna ng isinasagawang transport strike ng grupong Manibela, sinabayan naman ito ng ‘Libreng Sakay’ program ng Philippine National Police (PNP) para sa mga maaapektuhang komyuter partikular na sa Metro Manila.

Sa panayam kay PNP PIO Chief Police Colonel Jean Fajardo, pinayuhan nito ang mga mananakay na agad parahin ang makikita nilang police mobiles sa lansangan para maihatid sila sa kanilang mga destinasyon.

Batay sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 600 katao ang nakilahok sa transport strike ng Manibela kung saan mayorya sa mga miyembro nito ay nagtipon sa harapan ng mismong tanggapan ng LTFRB.

Sa kabilang banda, kinondena naman ng Philippine National Police Press Corps ang harassment at pananakit ng mga miyembro ni Manibela President Mar Valbuena sa isang mamamahayag ng DZRH Val Gonzales habang naghahatid ito ng ulat kaugnay sa aktibidad ng grupo.

Nakapagsampa na rin ng reklamo sa PNP si Gonzales kasabay ng pangako ng pambansang pulisya na mananagot ang mga nasa likod ng pananakit sa biktima.

Nagdulot naman ng bahagyang pagsikip ng daloy ng trapiko sa mga lugar na pinagdausan ng rally ng grupo na kinokonsidera namang abala sa mga mananakay at pribadong indibidwal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble