BINAGO na ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang takbo ng mga aktibidad para sa kanilang mga kadete.
Ito ay kasunod ng pagkasawi ng isang kadete ng PNPA sa Silang, Cavite nitong Sabado, habang ginagamot matapos ang endurance test na kanyang pinagdaanan 2 linggo na ang nakararaan.
Ayon kay Col Jean Fajardo, spokesperson ng Philippine National Police, inilaan na lamang ng PNPA ang panahon sa pag-jogging at marching practices sa pagsasagawa ng classroom learning.
Dagdag ni Fajardo na lagi nang may bitbit na water canister ang mga estudyante upang regular ang kanilang hydration lalo na ngayon aniya na mainit ang panahon.
Binibigyan din aniya ang mga estudyante ng gamot at bitamina upang lumakas ang kanilang resistensiya.
Ayon pa kay Fajardo, sa tuwing nagsasagawa ng non-academic activities ay may nakastand-by na ambulansiya malapit sa activity area.
Muli namang tiniyak ng PNP na bago makapasok ang isang indibidwal sa PNPA ay dumaan ito sa striktong medical screening.
Sa ngayon, aalamin pa ng PNP kung may medical condition ba ang nasawing kadete.
Pumanaw ang kadete na si Rafael Sakkam nitong Sabado, Hunyo 18, habang nilalapatan ng lunas sa Qualimed Hospital.
Ayon sa ulat ng PNP, bumagsak si Sakkam noong Hunyo 7 dahil sa kahirapan sa paghinga sa reception rites.
Agad naman siyang dinala at unang ginamot sa PNPA dispensary.
Makalipas ang ilang araw, inirekomenda ng doktor na ilipat si Sakkam sa Qualimed Hospital para sa karagdagang paggamot.
Matapos ang 11 araw na confinement sa nasabing ospital, namatay si Sakkam nitong Sabado dahil sa cardiac arrest.