PATULOY na aalalay ang Philippine National Police (PNP) sa mga commuter na maaapektuhan ng transport strike.
Ito ang tiniyak ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo matapos magkasama ng tatlong araw na tigil-pasada ang grupong Manibela mula ngayong araw hanggang Biyernes.
Habang ngayong Miyerkules ang ikatlong araw ng tigil-pasada ng grupong PISTON.
Hinihiling ng dalawang grupo na mapalawig ang consolidation ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ayon kay Fajardo, mayroon silang sapat na mobility assets na ipinakalat para sa libreng-sakay katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang tanging panawagan aniya ng PNP sa mga jeepney driver at operator ay sumunod sa batas at igalang ang desisyon ng mga tsuper na piniling pumasada sa kabila ng transport strike.