INILUNSAD ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Mobile Police Outpost sa ilang bahagi ng lungsod ng Parañaque.
Ito ay bilang bahagi ng programang SAFE NCRPO ng Philippine National Police (PNP) na naglalayong makita at mapaigting ang pagbabantay ng mga pulis sa mga mamamayan.
Sinimulan na ng NCRPO na maglagay ng Mobile Police Outpost sa PITX sa Brgy. Tambo sa Parañaque City.
Sa panayan sinabi NCRPO spokesperson P/Col. Dexter Versola, ang naturang mobile outpost ay proyekto ni NCRPO Chief PBGEN Jonnel Estomo na naglalayong paigtingin ang pagbabantay sa mga mamamayan.
Ayon din sa opisyal ber months na ngayon at higit na kailangan ang police visibility lalo na sa Metro Manila.
“Gagamitin din ito kasi ber months na, ber months kasi alam natin na lumalabas ang mga mamamayan para mag-enjoy lalung-lalo na dito sa ating Entertainment City na kung saan alam natin na dito ang malalaking malls, malalaking hotels ang entertainment area. Dito sa Southern Police District lalung-lalo na dito sa Parañaque. So ito ‘yung ating tinututukan namin ngayon,” pahayag Versola.
Dapat din aniya maramdaman ng mamamayan ang presensya ng kapulisan lalo na sa mga establisimyento, terminal maging sa mga simbahan.
Magagamit din ang mga naturang pulis outpost sa darating na Undas sa paligid ng mga sementeryo kung saan nagbabantay ang awtoridad para sa seguridad ng publiko.
At upang maiwasan ang mga pagtatangka ng mga masasamang elemento at makapagresponde agad ang mga pulis sa lugar kung saan may nangyaring krimen.
Maaari ding mailipat ang Mobile Police Outpost sa mga lugar kung saan may mga isinasagawang operasyon ang mga tauhan PNP.
“Makikita niyo merong gulong dito na pwedeng alisin, kapag kailangan dito mas kailangan bantayan, so dito ilalagay kasi alam natin na ‘yung mga commanders mas alam nila ‘yung operational needs o kailangang bantayan sa oras ng gabi, umaga o anong oras, alam nila. kasi base ito sa crime clock,” ayon kay Versola
Sa ngayon may apat na Mobile Police Outpost sa Parañaque na masasabing may kamahalan dahil sa matibay ang materiales na gamit nito.