NAGPALIWANAG ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang datos ng mga nasawi, nasugatan at nawawala sa Bagyong Odette.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Roderick Alba, ang kanilang datos ay ibinase sa police blotter ng PNP units at kasalukuyang iniimbestigahan.
Isinumite rin aniya ang naturang report sa Office of Civil Defense (OCD) para maisailalim sa validation ng OCD, Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tiniyak naman ni Alba na maingat ang lahat ng PNP units sa pag-uulat ng mga datos upang masiguro na tama ang kanilang maibibigay na impormasyon.
Sa datos ng PNP National Disaster Operations Center, ngayong Martes, Disyembre 21, 2021, 375 ang mga nasawi sa Bagyong Odette, mataas kung ikukumpara sa 156 na bilang ng NDRRMC.