PNP, nakaalerto sa nakatakdang RevGov rally sa pagsusulong ng pederalismo

SISIGURADUHIN mismo ng NCRPO ang seguridad sa nakatakdang mega wide revolutionary government (RevGov) rally sa Mendiola ngayong darating na Pebrero 21, 2021.

Ang nasabing rally ay inorganisa ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC).

Sa Mendiola, Maynila magtitipon-tipon ang mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte para isulong ang pagdeklara ng revolutionary government.

Batay sa impormasyon, nasa 60,000 katao ang magsasama-sama sa araw na iyon na pawang mga tagasuporta sa pangakong pederalismo sa bansa.

Matatandaang, nauna nang nag-rally ang mga grupong ito sa paniniwalang sa pamamagitan ng RevGov mas madaling maipatutupad ng pangulo ang mungkahing pederalismong gobyerno na ikauunlad umano ng bansa.

Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Vicente Danao III, agad na pakikilusin nito ang lahat ng police units upang matiyak ang seguridad sa pagdadausan ng pagkilos o rally.

Kasabay ng pagtitiyak na maipatutupad pa rin ang health protocols laban sa COVID-19.

Nauna na ring inamin ni General Danao na kaunti lang ang puwersa ng kanilang hanay sa Metro Manila, pero nakikiusap ito sa publiko na maging mapagmatyag sa paligid upang di malusutan ng anumang iregularidad.

Samantala, isang inter-fate rally naman ang isasagawa ngayong dito sa Quezon City, para din sa usapin ng pederalismo.

Magsasama-sama ang iba’t ibang religious groups sa bansa na layon ding ipaalala kay Pangulong Duterte ang anila’y pangako nito sa usapin sa pederalismo at iba pang mga binitawang pangako ng pangulo noong 2016 elections.

Naniniwala ang mga kalahok na religious groups na marami pa sa mga pangako ni Pangulong Duterte ang hindi pa naisasakatuparan sa termino nito.

Matatandaang nasa isa’t kalahating taon nalang ang natitirang panahon ng pangulo bago ito bumaba sa puwesto.

Noon pa man ay sinabi na ni Pangulong Duterte na wala siyang alam sa mga aktibidad ng mga grupo na nanawagan ng revolutionary government.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.