MATAPOS na pinayagan ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 si dating Sen. Leila de Lima, tuluyan nang nakapaghain ng piyansa ang dating mambabatas para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Tugon ito sa inahaing petition for bail na kinatigan naman ng tanggapan ni Presiding Judge Gener Gito.
Magugunitang si De Lima ay naharap sa tatlong magkakahiwalay na kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na naganap umano sa loob mismo ng New Bilibid Prisons (NBP) habang siya pa ang Justice Secretary.
Gayunman ay na-dismiss na ang dalawang kaso at isa na lamang ang natitira kasalukuyang dinidinig sa Muntinlupa RTC.
Bandang alas kwatro ngayong hapon Nobyembre 13, 2023 nang dumating ang convoy ni De Lima kasama ng kaniyang mga abogado at kaibigan na si Father Robert Reyes kung saan kinumpirma nito na nasa maayos na kalagayan ang dating opisyal.
Sa katunayan sa pambihirang pagkakataon, saglit itong humarap sa media kasabay ng pasasalamat sa nakatakda nitong paglaya mula sa anim na taong pagkakakulong dahil sa isyu ng ilegal na droga.
Sa panig ng PNP, agad naman nilang iri-release ang dating senadora oras na matanggap nila ang kopya ng release order mula sa korte.
Ayon kay PNP PIO chief Col Jean Fajardo, anumang oras ay maaaring lumabas ang dating opisyal.