PNP, nakiusap na ‘wag isama ang isyung walang kinalaman sa iligal na droga sa ebalwasyon ng 5 man committee ng DILG

PNP, nakiusap na ‘wag isama ang isyung walang kinalaman sa iligal na droga sa ebalwasyon ng 5 man committee ng DILG

PERSONAL mismong nakikiusap si PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa bubuo ng 5 man committee ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Na huwag nang ungkatin pa ang maliliit na isyu ng mga nakaraan ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) bagkus pagtuunan lang ang may kinalaman sa isyu ng iligal na droga.

Kaugnay nito, tiniyak ni Azurin sa mga miyembro ng third level officers ng PNP na hindi isama sa ebalwasyon ng 5 man committee ang mga isyu na walang kinalaman sa iligal na droga.

Ito ang kinumpirma ng heneral matapos nitong makausap ang ilang opisyal ng PNP na may agam-agam sa bubuo ng evaluation committee ng DILG.

Ilan kasi sa mga napag-alaman ng heneral na reklamo ng mga opisyal ay baka balikan sila ng miyembro ng komite sakaling mapag-alaman na may mga nangyaring alitan sila o hindi pagkakaunawaan sa kanilang panunungkulan sa serbisyo.

Anila, huwag naman daw sanang magkamali ang komite na paratangan sila nang hindi naman nila ginawa.

Ani Azurin, personal niya itong ipapakiusap na huwag itong maging dahilan ng pagbagsak ng isang opisyal ng PNP dahil sa maliliit na isyu ng nakaraan.

Sa kabilang banda, aminado ang PNP at DILG na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakapagdesisyon kung ano ang mangyayari sa mga natitira pang police officers na magmamatigas at hindi tatalima sa kanilang panawagan hanggang sa katapusan ng Enero ngayong taon.

Follow SMNI NEWS in Twitter