PNP OIC LtGen. Danao, ininspeksyon ang National Museum, bilang paghahanda sa inagurasyon ni PBBM

PNP OIC LtGen. Danao, ininspeksyon ang National Museum, bilang paghahanda sa inagurasyon ni PBBM

ALL set na ang hanay ng kapulisan para sa seguridad ng nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr (PBBM), ngayong Hunyo 30.

Ito ang muling pagtiyak ni PNP OIC LtGen. Vicente Danao, Jr. kasunod ng pag-inspeksyon nito sa National Museum ngayong araw.

Nasa humigit kumulang 7,000 mga pulis ang  nakatakdang ipakalat ng pambansang pulisya na magtitiyak sa pagkamit ng matiwasay o mapayapang inagurasyon ng susunod na Pangulong Ferdinand  ‘Bongbong’ Marcos.

Personal na tinungo at ininspeksyon ni Danao ang National Museum, ang lugar kung saan gaganapin ang inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos sa Hunyo 30.

Ayon kay LtGen. Danao, handa na ang kanilang security plan para sa seguridad sa aabangang inagurasyon ni PBBM.

Ani Danao, hinihintay nalang nila ang ilalagay na barriers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa oras matapos ito ay 100% nang handa.

Dagdag pa ng opisyal, nasa 7,000 mga pulis ang idedeploy sa bisinidad upang matiyak ang kaligtasan ng bawat indibidwal.

Pagtitiyak pa ni Danao, handa ang kapulisan sa anumang banta na posibleng mangyari sa araw ng inagurasyon.

Binalaan naman ng PNP OIC ang mga magtatangkang manggulong raliyista sa araw ng inagurasyon.

Giit nito, bagama’t karapatan ng bawat Pilipino na ipahayag ang kanilang mga sentimyento ay dapat pa ring respetuhin ng mga ito ang inagurasyon ni PBBM.

Samantala, sinabi pa ni OIC Danao na asahan ang pagkakaroon ng traffic rerouting plan na epektibo ng 12:01 pm ngayong Hunyo 26 bilang paghahanda sa nalalapit na inagurasyon ni PBBM.

Binilin din ni Danao sa mga nais dumalo sa inagurasyon ni PBBM na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga bagpack at mga covered materials.

Pinapayagan lamang ang mga transparent materials.

Hakbang ito ng pulisya upang maiwasan ang anumang insidente.