TINITINGNAN na ng pulisya ang posibleng paglabag ng isang pulis na tinangkang pagsarhan ng pinto ng ambulansiya si Vice President Sara Duterte nitong Sabado.
Mula sa nasabing video, makikita ang muntikan nang mapagsarhan ng pinto ng ambulansiya si VP Sara habang nakikipagdayalogo ito sa mga awtoridad sa nakatakdang paglilipat ng ospital para sa kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Bagay na ikinagalit ng mga tagasuporta ng Bise Presidente.
Ang insidente, nakarating agad sa PNP.
Sa panayam ng media kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Jean Fajardo, pinaiimbestigahan na nila ang posibleng kapabayaan at tinuran ng pulis sa Pangalawang Pangulo.
Ayon sa PNP, mataas na ang tensiyon sa mga oras na iyon at ang dahilan ng presensiya ng mga pulis at batay sa hiling ng Office of Sergeant at Arms ng Kongreso sa pagbabantay kay Lopez hanggang sa mailipat ito sa kaniyang ospital.
“Titingnan natin kung nagkaroon ba ng lapses on the part of our police officer during that time, mataas ang tensyon, ‘yung ating mga officers who were there as an action on the part of the PNP because nag seek ng assistance sa atin ‘yung Office of the Sergeant at Arms ng Kongreso so ‘yun ‘yung naging participation ng PNP. So, immediately we want to proceed doon sa Veterans Hospital or ‘yung sa St. Lukes so ‘yung ating pulis doon,” saad ni PBGen. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.
Tiniyak ng PNP ang maayos na pagsiyasat sa insidente dahil posible aniyang hindi napansin ng pulis na may tao sa likod ng pinto.
“Titingnan natin kung nagkaroon ba ng eagerness on the part ng pulis na hindi napansin na may mga tao pa doon sa likod ng pinto. So, these things are being looked into,” dagdag ni Fajardo.
Idinetine ng Kamara si Lopez nitong Miyerkules sa detention facility nito matapos siyang ma-cite in contempt sa pag iimbestiga ng mga mambabatas sa Confidential Funds ng Office of the Vice President at dating ahensiya nitong Department of Education bilang dating kalihim ng kagawaran.