PNP sa mga nakatira sa mga bahaing lugar: Maghanda sa epekto ng Bagyong Marce

PNP sa mga nakatira sa mga bahaing lugar: Maghanda sa epekto ng Bagyong Marce

BILANG isa sa mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan sa pagtitiyak na ligtas ang publiko tuwing may bagyo, ipinapakiusap ng Philippine National Police (PNP) sa mga residente na huwag balewalain ang mga paalala tuwing may paparating na sama ng panahon sa bansa.

Kaugnay ito sa inaasahang epekto ng Bagyong Marce na tatama sa hilagang bahagi ng Luzon at posibleng maapektuhan uli ang mga lugar na una nang tinamaan ng nagdaang Bagyong Kristine at Leon.

Magugunitang nag-iwan ng malaking bilang ng mga nasawi at pinsala sa agrikultura at imprastraktura ang mga bagyong ito.

Kaya naman muling pinapaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na agad lumikas kung ipag-utos ng mga awtoridad.

“Ang PNP ay ready to provide the necessary police assistance kung magkakaroon ng mga preemptive evacuation to make sure na magiging minimal ‘yung magiging effect nitong paparating ng bagyo at sa ating mga kababayan na patuloy tayong umaapela sa kanila doon sa mga low-lying areas, doon sa mga prone sa landslide alam natin nangyari sa Batangas na marami ang nasawi due to landslide. So na-identify na ‘yan kung saan ‘yung mga coastal areas na prone sa flooding and other expected and anticipated na mga disaster related phenomenon, ‘yun ‘yung magiging concentration ng mga preventive evacuation,” pahayag ni PBGen. Jean Fajardo, Chief, PNP PIO.

PCG Northeastern Luzon, nagtaas ng alerto para sa Bagyong Marce

Sa kabilang banda, muling itinaas ng Coast Guard District North Eastern Luzon (CGDNELZN) ang alerto bilang paghahanda sa pananalasa ng Bagyong Marce.

Ayon sa PCG–NELZN, nakaalerto na ang mga personnel, at mga kagamitan nito na maaaring magamit sa pagtugon sa naturang bagyo.

Kasama sa mga binabantayan ng Coast Guard District ang mga probinsiyang sakop sa northeastern seaboard ng bansa na inaasahang direktang dadaanan ng naturang bagyo.

Agad ring inabisuhan ang mga tauhan nito para paghandaan ang bagyo gamit ang life vest, motorboat, at iba pang kagamitan na puwedeng magamit sa mga probinsiya na mangangailangan ng agarang deployment.

Ayon pa sa PCG, regular na ang ginagawa nitong koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan na maaaring daanan ng naturang bagyo upang agad makatugon, oras na kailangan ng mga LGU ang tulong ng mga coast guard personnel.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble