PNP sa paghahanap sa 2 top fugitives na sina Bantag at Teves: Walang tulugan

PNP sa paghahanap sa 2 top fugitives na sina Bantag at Teves: Walang tulugan

WALANG tulugan, ganito isinalarawan ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na hindi natitinag ang PNP sa paghahanap ng dalawang ‘top fugitives’ ng bansa na sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr.

Sa panayam ng media kay Chief PNP Acorda, tiniyak niya ang walang tigil na operasyon na ginagawa ng mga tauhan nito upang matuntun ang kinaroroonan ng dalawa.

Gayunman, tumanggi si Acorda na magbigay ng detalye kaugnay ng kanilang operations.

Matibay na hawak nila ang arrest warrant para sa pag-aresto sa mga ito.

Matatandaang, may inilabas nang arrest warrant ang korte laban kay Bantag at sa kaniyang deputy na si Ricardo Zulueta para sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa noong Oktubre ng nakaraang taon.

Habang may arrest warrants na rin laban kay Teves at tatlong iba pa para sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso.

Sinabi pa ng PNP na ginagawa naman nila ang lahat ng paraan at sistema para sa agarang paghuli sa mga wanted.

Dagdag pa ni Acorda, patuloy ang pakikipag- ugnayan ng PNP sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) para maaresto si Teves na umano’y nagtatago sa ibang bansa.

Batay sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng pambansang pulisya, nasa Timor Leste ang nasabing kongresista.

Habang, nakikipag-ugnayan din ang PNP sa iba pang ahensiya ng gobyerno upang mabilis na matunton sina Bantag at Teves.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter