SANG-ayon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa muling pagbuhay sa usapin ng death penalty laban sa mga durugista sa bansa.
Ito’y matapos na mabatid na isa ang death penalty sa top priority ng dating PNP chief at ngayo’y Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ngayong 19th Congress.
Sakali namang maisakatuparan ang nasabing panukala, tiniyak ni PMGen. Valeriano De Leon, director for operations ng PNP, na magdadalawang isip ngayon ang mga sindikato ng iligal na droga.
Samantala, pinawi naman ng heneral ang posibleng pangamba ng ilan na maabuso ang nasabing batas para sa mga masasangkot sa iligal na kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Ayon sa PNP, mainam na pag-aralan ito upang matiyak na walang lusot ang anumang iregularidad sa implementasyon ng nasabing polisiya.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Dela Rosa na ito ang parusang maigawad para sa large scale illegal drug trafficking.
Matatandaan na ang panukala para sa revival ng death penalty ay inihain sa nakaraang 18th Congress pero di nakausad sa committee level.
Nauna na rin itong tiniyak ni Senador Bong Go na muli niyang ihahain sa 19th Congress ang panukalang batas na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga kasong illegal drugs at plunder.
Ayon kay Go, campaign promise kasi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang parusang kamatayan para sa mga sangkot sa iligal na droga.