KASUNOD ng ulat na wala na ang guerrilla fronts sa bansa, agad na tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi na makababalik ito sa mga kanayunan at mga lungsod.
Ito ang sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda, Jr. kasabay ng pagbibigay papuri sa community relations group ng kanilang ahensiya dahil sa kaliwa’t kanang community outreach program nito sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“I am thankful to the efforts of our DPCR, Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, very commendable ‘yung mga ginagawa nila at talagang when I assumed as Chief PNP, pinatutukan natin ‘yung mga areas particularly Visayas area and based on his reports, very commendable, na-hit talaga ‘yung target and ‘yung mga areas na depressed,” ayon pa sa PNP chief.
Kasama sa mga programa ng PNP Community Relations Group ay ang pamimigay ng ayuda sa mga mahihirap na komunidad at pinalawak na information campaign laban sa mga panlilinlang ng CPP-NPA-NDF sa mga tao.
Ani Acorda, malaking bagay ang ginagawa ng nasabing grupo para hindi na manumbalik pa ang mga pang-aabuso ng CPP-NPA-NDF sa mga mahihirap na mamamayan at unti-unting makaahon ang mga ito sa tulong ng mga programa ng gobyerno kasama na ang seguridad na ibinibigay ng law enforcement agencies ng bansa.
Katuwang naman ng PNP ang AFP sa pagbalangkas ng mga nararapat pang estratehiya para tuluyan nang masugpo ang pangloloko ng CPP-NPA-NDF na una na ring pinuri ng Pangulo ang magandang balita na ito tungo sa hangad na kapayapaan sa buong bansa.
“We made it feel to the people in those areas na sinabi nating prone to this kind of ‘yung deception ay napuntahan natin at naiparamdam natin na merong gobyerno at umaalalay na rin sa atin,” saad pa ni General Acorda.